(Blue)
May pagmamadali sa mga kilos ni Sylvia ng tunguhin niya ang entradang pintuan ng kompanyang pag-aari ng kanyang papa. Hindi na niya pinansin ang mga bumating empleyado sa kanya. Dali-dali niyang tinungo ang elevator at pinindot ang up button. Agad siyang pumasok sa loob ng bumukas iyon. Pinindot niya ang papuntang eight floor.
Napasandal siya sa salaming dingding. Nakatuon ang paningin niya sa marmol na sahig ngunit wala doon ang isip niya. Puno ng takot ang nasa loob ng dibdib niya. Hinawi ang buhok na tumatabing sa mga mata. Humigpit din ang hawak niya sa kanyang shoulder bag. Ikinikiskis ang dulo ng rubbershoes sa sahig. Paulit-ulit na tinatanong ang sarili kung bakit hinayaan niyang mawala sa kanya ang lalaking pinakamamahal at sundin ang kagustuhan ng papa niya para lamang tanggapin siyang anak nito. Nagbuntong hininga siya. Sinagot na rin niya ang mga tanong niya.
Noon pa man wala na siyang makitang pagmamahal mula sa ama. Tila nasusuklam ito sa kanya kapag nakikita siya. Ginawa niya ang lahat makuha lang ang loob nito ngunit wala pa rin nangyari. Hindi pa rin siya itinuring nito bilang anak. Ngayon siya nagsisisi dahil mas pinili niya ang kanyang papa. Hindi na niya alam kung ano pang pwede niyang gawin upang—
Bumukas ang pinto. Lumabas siya at dali-dali niyang pinuntahan ang sekretarya ng papa niya. Nakasalubong niya ito na kalalabas lang buhat sa conference room.
“Bonjour, Madame Elize!” bati niya sa matandang sekretarya. “Nasa loob ang papa?”
Tumango ang sekretarya. “Katatapos lang ng meeting. Nasa loob pa ang papa mo. May kausap–”
“Merci, Madame Elize.”
Hindi na niya tinapos ang mga sasabihin pa nito. Mahalaga ang sadya niya sa kanyang papa. Hindi na siya nagaksayang kumatok pa. Agad na niyang binuksan ang pinto.
Nanlaki ang mga mata niya ng dulo ng baril ang sumalubong sa kanya.
“Qui etes vous?”
Isang boses. Mapanganib na tinig ang nahimigan niya sa tanong na iyon. Tumingin siya sa nagmamay-ari ng boses. Matalim ang mga mata nitong sinalubong ang tingin niya.
“Who are you?” paguulit na tanong nito sa kanya.
“What are you doing here, Sylvia?”
Nang marinig niya ang tinig ng kanyang papa ay sumingkit ang mga mata niya. Nabuhay ang galit sa loob niya. Tinabig niya ang baril ngunit nanatiling nakatutok sa kanya ang dulo niyon at handang iputok sa kanya sakaling magkamali siya ng kilos. Tiningnan niya ng matalim ang lalaki. Ngunit wala man lang itong naging reaksyon.
“Nabalitaan kong may pinakasalang ibang babae si Laughing bear, Papa.”
Hindi niya napansin ang pagtikhim ng papa niya. Ang napansin niya ay ang pagdilim ng mukha ng lalaking nasa harapan niya.
“It’s alright Polar bear. Ibaba mo na ang baril mo. She’s not dangerous. She’s just a kid.” Balewalang sabi ng kanyang papa.
Talagang bata at mahina ang tingin sa kanya ng kanyang papa. Tumaas ang kilay niya ng hagurin siya ng tingin ng lalaki na tila ba wala siyang suot na damit. Ngumiti ito ng bahagya ng magbalik ng tingin sa mukha niya.
“I don’t think so…” bulong nito bago ibinaba ang baril.
“Ce qui?!”
Hindi siya pinansin nito. Lumingon sa papa niya.” We can talk again tomorrow.” sabi nito bago lumabas ng conference room.
Nasundan niya ng tingin ang papalayong lalaki. Kakaiba ang naging paghagod ng tingin nito sa kanya. Katulad ng mga tingin ni Laughing bear nung una niya itong makita. Wala sa loob na hinila pababa ang tunikang suot.
“What are you doing here, Sylvia?”paguulit na tanong sa kanya ng kanyang papa.
Tumingin siya dito. Nakaupo ang papa niya sa swivel chair na parang pag-aari nito ang buong mundo. Agad niyang napuna na marami ng puti ang buhok nito. Ngunit taglay pa rin nito ang mapanganib na aura. Maraming nagsasabing ang papa niya ang demonyo sa business world. Kaya nitong paikutin sa mga palad ang mga taong nakapaligid dito. Hindi nito hahayaang maisahan ng kahit na sinuman. Isa na siya sa mga iyon. Wala itong puso, napatunayan na niya iyon. May butil ng luhang sumungaw sa mga mata niya. Agad na niya iyong pinahid bago huminga ng malalim.
“Papa, Sabihin mong kalokohan lang ang lahat ng ito. Sabihin mong walang pinakasalang babae si Laughing bear.”
Naiiling ang kanyang papa. “Hanggang ngayon, hindi pa rin mawala ang pagkahibang mo sa lalaking ‘yon.” malamig na sagot nito. May kinuhang folder sa harapan ng mesa nito at inihagais sa harapan niya. “Hayan ang ebidensya. Tingnan mo.”
Nagkalat ang mga ito ng bumagsak sa sahig. Kinuha niya ang isang papel na malapit sa kanya. Nabasa niya ang marriage certificate na nagpapatunay na may pinakasalan ngang babae si Laughing bear.
“Nandiyan din ang mga detalye ng kasal. May naging espiya ako sa kasalang iyon at nakuhanan niya ng video ang kasal ni Laughing bear…and that was two days ago. Rehistrado na ang marriage cerificate nila. Wala ka ng magagawa.”
“Gusto kong makita ang video papa.” mahina ngunit mariin niyang sabi sa ama. Para siyang pinatay sa mga sandaling iyon. Pinangangapusan siya ng hininga. “Gusto kong makita…ang video ng pagpapakasal ni Laughing bear.” Halos pumiyok na siya sa pagpipigil na huwag mapaiyak.
Naiiling na tumayo sa swivel chair si Charles Gervaise. Hinila papasok ang anak bago isinara ang pinto. Hindi pa rin natuto ang anak sa mga pahirap na ginawa niya dito. Hindi pa rin ito nasuheto ni Rowena. Matigas pa rin ang ulo nito. Hindi pa rin ito marunong makinig. Mahigpit na hinawakan sa braso ang anak. Nagpipigil na huwag magalit na nagsalita. “Gusto mo pa bang pasakitan ang loob mo? Ano pang magagawa mo kung kasal na si Laughing bear sa ibang babae?”
Puno ng hinanakit ang nakita niya sa mga mata ng anak. Binitiwan niya ito. Huminga ng malalim.
Pinahid ni Sylvia ang umalpas na luha sa mga mata. Matigas talaga ang puso ng kanyang papa. “Gusto kong makita ang video papa…please!”
“Nonesense!” sigaw na ng papa niya. “Kahit kailan pareho kayo ng mama mo!”
“Hindi kami magkapareho ni mama. Hindi na ako magiging sunud-sunuran sa’yo. Alam ko na ngayon kung ano ang gusto ko. At hindi mo na ako mapipigil. Hindi ko hahayaang mawala sa akin si Laughing bear.”
Tinitigan siya ng masama ng kanyang papa. Anuman sandali ay babalian na siya nito ng leeg kung magbabanggit pa siya ng tungkol kay Laughing bear. Pero wala na siyang pakialam doon. Gawin na nito ang lahat, pero hindi na siya papipigil pa dito. “I’m pregnant papa at si Laughing bear ang ama. Mahigit tatlong buwan na. Kaya hindi ko hahayaan na mapunta siya sa babaing ‘yon. Ipapawalang bisa ko ang kasal nila. Alam kong napilitan lang siyang pakasalan ang babaing ‘yon dahil ang akala niya ay tuluyan ko na siyang iniwan ng magpunta ako sa pilipinas.”
“Ce qui? Ang akala ko’y…Merde!” galit na galit na sigaw ng kanyang papa ng makita ang ginawa niyang pagngiti. “Hindi ka pala sumunod sa akin. Nakikipagkita ka pa rin pala sa lalaking ‘yon. Mapapatay ko ang Laughing bear na iyon!”
“Ako ang makakalaban mo kapag ginawa mo ‘yon papa.” may galit sa tinig niya ngunit hindi ‘yon pinansin ng kanyang papa.
“Hindi ko ito mapapalampas Sylvia.” nanggigigil nitong sabi. Hindi makapaniwalang naisahan ito ng anak. “Kahihiyan ng pamilya ang nangyari sa’yo. Masisira ako sa mga kasosyo ko sa negosyo. Ano nalang ang sasabihin nila sa akin?”
“Hindi mangyayari ‘yon papa. Muli kong ibabalik ang pagmamahal sa akin ni Laughing bear.”
“Non.” mariing tanggi ng kanyang papa. “Hindi ko mapapayagan ang gusto mo mangyari. Hindi ang lalaking ‘yon ang magmamana ng mga pinaghirapan ko.”
“Siya ang gusto ko. Ang minamahal ko.” giit niya sa ama.
“Hindi ang Laughing bear na ‘yon!” patuloy ito sa mataas na boses. Huminga ng malalim. Kailangan nitong kumalma. Hindi ito dapat magalit ng husto dahil masisira lalo ang binabalak nito para sa anak. Muli itong huminga ng malalim.
“Gagawin ko ang lahat papa.”
Sa pagkabigla niya ay humalakhak ang kanyang papa. Para na naman itong demonyo sa paningin niya. May binabalak na naman ang kanyang ama.
“Anong binabalak mo papa?” naisatinig niya ang iniisip.
“Nandito ka na rin lang, sasabihin ko na sa’yo ang naging meeting ng board kanina.” Ngumisi ang kanyang papa. “Maganda sa negosyo natin ang pagsanib ng kompanya ni Clovis Gascon. Mapapasaakin ang kabuuan ng negosyo niya kung ipapakasal ko kayo ng kanyang anak.”
“Pas vous defi!”
0 comments: on "Breaking Silence - Chapter 4"
Post a Comment