SHARE THIS STORY

| More

All I Need by Erin - Chapter 3

(Blue)





Isang linggo na niyang iniiwasan ang bestfriend niya at si Marc. Nagdadahilan na lang siya sa barkada kapag gusto ng mga ito lumabas sila. Hindi niya kayang tingnan ang dalawa habang sweet ang mga ito. Hindi niya matanggap at nasasaktan siya. Nalilito siya sa nararamdaman niya. Siguro nga talaga na may gusto siya kay Marc noon pa, hindi lang niya siguro napapansin dahil sa Ex bestfriend niya. Kaya siguro madalas siyang awayin ni Maryrose dahil nakikita nitong may pagtingin siya sa luku-lukong iyon.

Ipinagpatuloy niya ang pagsusulat sa notebook pero paulit-ulit ang scene na pumapasok sa isip niya. Ang sweetness ng dalawa ang naiisip niya. Nahiga siya sa kama at tinakpan ng unan ang mukha. Ipinikit ng mariin ang mga mata. Baka sakaling mawala sa isipan niya ang dalawa. Pero lalo niyang naiisip ang mga ito. Bumangon siya at lumabas ng kwarto niya. Nakasalubong niya ang kapatid na madilim ang mukha.

“Halika nga dito.” galit nitong bungad sa kaniya bago siya hinablot papalapit dito. “Anong ginawa mo sa T-shirt ko ha?”

Napatingin siya sa hawak nito. May mantsa ang T-shirt nitong itim. Nalagyan niya siguro ng clorox nung naglaba siya. “Pasensiya na kuya.”

“Tanga! Hindi ba sabi ko sa’yo wag kang makikialam sa gamit ko? Ikaw ang tigas ng ulo mo, Kahit kailan peste ka sa buhay.” Bago nito padarag siyang binitiwan.

“Darwin ano na naman ba ‘yang pinag-aawayan niyo?” sigaw ng mommy niya na napalabas buhat sa kusina.

“Tingnan niyo ang ginawa ng magaling niyong anak. Nilagyan ng clorox ang T-shirt ko. Kahit kailan talaga peste yang anak niyo!” Padabog na ibinigay sa Ina ang t-shirt at dumaan sa tabi niya. Tinabig siya nito kaya natumba siya. Tumama ang braso niya sa hamba ng pinto.

“Darwin!” sigaw ng nanay nila sa kapatid na malakas na nagmumura palabas ng bahay. Tinulungan siyang makatayo. “Nasaktan ka ba anak?” nag-aalalang tanong nito bago tiningnan ang braso niya.

“Hindi po.” Ngumiti siya ng bahagya. Hindi niya sasabihing masakit talaga dahil mag-aalala ito sa kaniya.” Sige po ‘my, alis po muna ko. Maglalakad-lakad lang po ako sa labas.”

“O sige. Pasensiya kana sa Kuya mo ha. Mag-iingat ka. Magluluto na ’ko. Alas sais dapat nandito kana para sa hapunan.” bilin nito bago nagtuloy na sa kitchen.

Mahinang opo lang ang lumabas sa bibig niya.

Inilabas niya ang bike ng magdesisyon siyang pupunta ng bayan para sa park mag-isip. Masarap ang hangin doon at tiyak niyang makakapag-isip siya ng bagong istorya at mawawala sa isipan niya ang bestfriend niya at si Marc. Habang nagbi-bike ay nakatutok nga sa kalsada ang tingin niya pero wala roon ang isip niya. Kaya hindi niya napansin ang pagbusina ng kotseng paparating. Isa uling pagbusina bago niya nakitang may kotse sa harapan niya kaya niya iniliko ang bike paiwas sa kotse at kasama niyang bumagsak ang bisikleta sa damuhan.

Sinigawan siya ng driver bago ito nagtuloy sa pag-da-drive. Napangiwi siya sa sakit sa siko niya. Nagasgasan pati na ang tuhod niya at mga binti. Ano ba itong nangyayari sa kaniya? Itinayo niya ang bike at sumakay na roon pagkatapos pagpagan ang damit na kinapitan ng mga damo.

Pagdating niya sa park ay naupo agad siya sa isa sa mga malalaking oval bench na nandoon. Malamig ang simoy ng hangin. Presko. nakakagaan sa loob. Itinaas niya ang dalawang kamay at nag-inat. Sandali niyang nakalimutan ang pag-iisip sa mga gumugulo sa isipan niya. Parang gusto niyang matulog dito. Napangiti siya. Kapag natulog siya dito ay mapagkakamalan siyang palimos-sa-kalsada girl. Hindi siya nakapagpalit ng damit kaya sira-sirang T-shirt ang nasuot niya.

Inabala na lamang niya ang mga mata sa mga taong dumadaan sa park para hindi siya antukin. Napabuntong hininga siya sa nakitang lovers na umupo sa isang oval bench na katapat niya. Masayang nagtatawanan ang mga ito. Tila siya inaasar. Tila nananadyang doon pa sa harapan niya maglampungan.

“Ang hirap pa lang pigilan at itago ang nararamdaman. Bakit kasi nagustuhan ko pa ‘yong gagong ‘yon eh? Nawawala tuloy ako sa sarili.”

Nang makita niyang hinalikan ng lalaki ang babaeng kaakbay nito ay napasigaw siya dahil nakikita niya ang imahe nina Erin at Marc na nagki-kiss.

“Umalis kayo sa harapan ko!” sigaw niya sa mag-lovers.

Natakot yata ang mga ito kaya dali-daling umalis. Napagkamalan yata siyang baliw ng mga iyon.

Hindi man niya gusto mapaiyak ay kusang tumulo ang mga luha niya. Nasasaktan talaga siya. Kinukurot ang puso niya. Naisubsob niya ang mukha sa mga palad at doon umiyak ng umiyak. Ibinuhos ang lahat ng sama ng loob sa pag-iyak.

“Ikay?”

Napaangat siya ng tingin. Naka-kunot-noong Will ang nakita niyang nakatayo sa harapan niya. Lalo siyang napahagulgol. May dumating na taong nakakaintindi sa kaniya.

“Kuya Will…” tumayo siya at yumakap dito.

Nabigla si Will sa ginawa ni Ikay. Sinasabi na nga ba niyang pamilyar sa kaniya ang babaeng umiiyak. Tama nga siya. Si Ikay. Pero bakit ito umiiyak ng ganoon?

“What happened Ikay?”

Hindi ito sumagot. Umiiyak lang habang mahigpit siyang yakap. Binitiwan niya ang mga dala-dala at hinayaan ang sariling yakapin ang dalagitang sa tingin niya ay kailangan ang tulong niya. Mahigpit rin niya itong niyakap. Parang ayaw na niya itong pakawalan. Ngayon lang niya nayakap ng ganoon ang dalagita.

“Okay kana ba?” tanong niya sa ilang sandaling pagyayakapan nila.

Tumango lang ito pero hindi pa rin siya binibitiwan sa pagkakayakap. Ganoon din naman siya. Hindi niya gustong pakawalan ito.

“Kuya Will…ang sakit pala magmahal.” pagkuwan ay basag nito sa katahimikang naghari sa kanila.

Inilayo niya ito at tinitigan ng mabuti. “Anong ibig mo sabihin?”

Yumuko ito at napakagat-labi. “I’m inlove Kuya Will.”

“What? kanino?”

Umiling siya. “Hindi mo na siguro kailangan malaman. Basta ang mahalaga ay nasabi ko rin at naamin sa sarili ko na inlove nga ako sa kaniya.”

Hindi siya kumibo. Parang nahuhulaan niya kung kanino ito inlove. “Ikay, magsabi ka sa akin ng totoo, mahal mo ba si Marc?”

“Paano mo nalaman?” Awang ang bibig nito sa pagkabigla.

Malakas siyang tumawa kahit na ba pinatay siya sa naging reaksyon nito. “Alam ko lang.”

“Kuya Will, pa’no mo nga nalaman?!”

“Madali ka kasi basahin at saka lately para kang umiiwas sa kaniya…Huwag ka nang magkaila. Basang-basa ko sa mga mata mo.” Idinugtong ang huling sinabi ng makitang magpo-protesta pa ito.

Umingos ito sa kaniya. “Kahit kailan, wala akong maitago sa’yo.”

“Huwag akong pag-usapan natin. Ikaw at yang nararamdaman mo para kay Marc. Sila na ni Erin ‘di ba?”

Nagbuntong hininga ito. Nag-pouted lips at tumitig sa kaniya. Bakit ba lalo itong nagiging maganda sa paningin niya?

“Yup. Kaya nga nasasaktan ako at umiiwas sa kanila kasi hindi ko kayang tingnan ang sweetness nila.” Sagot nito.

“Kaya pati ak-kami iniiwasan mo rin?”

“Hindi naman sa ganoon. Nagkakataon lang na sa tuwing may lakad ang barkada ay sumasama din sila.”

“Natural lang iyon dahil barkada natin sila. Maupo nga tayo. Gusto mo ng mangga? may mangga ako dito at may bagoong, gusto mo kumain?” Kinuha na niya sa loob ng plastic ang mangga at bagoong kahit na hindi pa ito sumasagot. Alam naman niyang kahit hindi ito sumagot ay kakain din ito dahil paborito nito ang binili niya. Sa totoo lang ay binili niya talaga iyon para dito. Ibibigay niya sana kapag pumunta siya dito sa bahay nito. Nang nakabili na siya ay nag-alangan naman siyang puntahan ito sa bahay. Nagpasyang wag na lang pumunta. Baka kung ano pa sabihin nito sa kaniya. Hindi naman niya akalain na makikita niya ito sa park at nag-iiiyak.

“Masarap ba ‘yan?” tanong nito.

“Syempre, binili ko ‘yan para sa’y- sa nanay ko.” muntik na siya d’on.

“Ay ayoko na. Baka magalit nanay mo sa akin kapag nalaman niyang pinakain mo sa akin ’yang mangga.”

“Okay lang ‘yon. Halika na. Umupo kana dito.”

“Okay.” masaya nitong sagot bago naupo sa tapat niya at isa-isang inilagay ang piraso ng mangga sa bagoong.

Masuyo niyang pinagmamasdan ito. Kahit papaano ay ngumiti na ito. Masaya na siya sa ganoon.
Digg Google Bookmarks reddit Mixx StumbleUpon Technorati Yahoo! Buzz DesignFloat Delicious BlinkList Furl

1 comments: on "All I Need by Erin - Chapter 3"

Anonymous said...

Why visitors still use to read news papers when in this technological globe the whole thing is accessible on net?


My site - オメガ 時計

Post a Comment