(Blue)
Umiwas siya ng tingin ng masuyong halikan ni Marc sa pisngi ang bestfriend niya. Napabuntong hininga siya. Kapag hindi niya ginawa iyon ay bubulalas siya ng iyak.
Ngumiti sa kaniya si Marc at binato siya ng kinakain nitong green peas bago naupo sa katabing upuan ni Erin. Sumimangot lang siya.
Kasalukuyang nasa library sila ng bestfriend niya at nagre-research para sa project nila sa physics ng dumating ito. Ano pa mareresearch niya kung nandito ito sa harapan niya ngayon.
Hindi siya makakapag-concentrate.
“Simang na naman ‘yang bestfriend mo, love.” natatawang pang-aasar nito sa kaniya pero kay Erin nakatingin.
Pinandilatan ni Erin si Marc. “Hey! Wag mo ng asarin si Ikay. Wala na nga sa mood ‘yan eh.”
“Anak ng tokwa! Lagi na lang…Oi, Ikay, kung ganyan ka ng ganyan, walang magkakagusto sa‘yong lalake! Lagi kang nakasimangot. Mainit ang ulo at palaging wala sa mood, pa‘no ka magugustuhan?”
“Below the belt na yun ha!” sigaw niya dito. “ Eh ano bang pakialam mo kung lagi akong nakasimangot at kung wala ako lagi sa mood?” asar niyang sagot. Tumayo at kinuha ang mga notebooks bago dali-daling lumabas ng library.
“Anong nangyari d‘on?”
“Nagtanong ka pa.” inis na sabi ni Erin bago ipinagpatuloy ang ginagawa.
Napakamot sa ulo si Marc. “Napakasensitive naman ngayon ng babaeng iyon.” wala sa sariling bulong nito.
Nagkanda-hulog ang mga notebook niya sa daan, kinuha niya pero nahuhulog ulit sa bawat paglakad niya. Ang ginawa niya ay ibinagsak niya lahat ang notebook sa galit at pinahid ang umalpas na luha sa mga mata. Napaka-sensitve niya ngayon. Dati-rati ay nakikipag-asaran pa siya, hindi siya nagpapatalo, pero ngayon…Ganito ba talaga ang nagagawa ng love? Nakakainis!
“Hey! Anong nangyari sa mga notebooks mo?” nagtatakang bungad ni Will. Nanggaling ito sa guidance office.
“Nahulog.” maiksi niyang sagot. Yumuko at dinampot isa-isa ang notebook.
“Tulungan na kita.” Nakipulot din siya habang nakatingin sa dalagita. “Anong problema, Ikay? ”
“The usual. Inaway na naman ako ni Kuya. Inasar na naman ako ni Marc. Wala na ba talagang matinong tao ngayon?” inis niyang sagot.
Ibinigay niya ang huling notebook na hawak dito.“ Gusto mo bang manood ng movie?”
Napatingin ito sa kaniya. Nagulat din siya sa sinabi niya.
“Seryoso ka?” nag-aalangang tanong nito.
Huminga ng malalim bago nakangiting tumango. Nasabi na niya ang iniisip, hindi na niya mababawi iyon.
“Libre mo?” paniniyak nito.
“Hindi kita yayayain kung hindi ko libre.” natatawa niyang sagot.
“Mukhang masaya ka ngayon ah. May nangyari ba?”
Malapad siyang ngumti. Mukhang okay na ulit ito. Para pa talaga itong bata. Madaling pasayahin. “Yeah. I‘m candidate for valedictorian.”
Natawa ito. “Eh sino ba naman ang hindi magiging valedictorian kung ilang beses ka ng bumalik ng third year at fourth year?”
“Ah ganon?” Pinisil niya ang pisngi nito. Okay na nga ito, malakas na ulit mang-asar.
Tinabig nito ang kamay niya at hinaplos ang namulang pisngi. “Ouch! Ang sakit n‘on ha.” sabay irap sa kaniya.
“Sorry. Masakit ba?”
Wala sa loob niyang hinaplos ang pisngi nito. Napatingin naman ito sa kaniya.
“Kuya Will, ngayon ko lang napansin. Magaganda pala ang mga mata mo. Bumagay sa‘yo ang taling mo dito oh.” hinaplos nito ang taling na nasa ibabang kaliwang mata niya.
Hinawakan niya ang kamay nito bago ibinaba. Huminga siya ng malalim. “Sige, maiwan na kita. May next class pa ‘ko.” hindi na niya hinintay na sumagot ito. Nagmadali na siyang umalis sa harap nito, bago pa niya magawa ang nasa isip.
Nagkibit-balikat si Ikay. Kung minsan hindi niya maintindihan si Kuya Will. Tinawag niya itong Kuya dahil parang kuya na rin niya ito. At kahit pa moody ito. Nagagawa pa rin niyang sakyan ang pag-uugali nito. Well, same feather flocks together. Pareho sila ng ugali. No! hindi sila pareho dahil mas matindi pala ang topak nito sa ulo.
Napatawa siya. Niyaya siyang manood ng sine. Is that a date? Ah..ewan… ang mahalaga ay nandiyan si Kuya Will sa tabi niya at handa siyang tulungan.
“Ano kayang masuot?” tanong niya sa sarili. “Wala naman akong ibang damit kundi jeans at shirt. Hindi naman bagay sa akin ang magpalda. Ang baduy ko n‘on. Pero bagay kaya ‘yon sa akin?”
Napakamot siya sa ulo. Ano bang pinag-iisip niya? “Naku! Bahala na nga!” sigaw niya bago siya naglakad palabas ng gate ng school.
Hindi siya makatulog. Pabiling-biling siya ng higa. Tiningnan niya ang kaibigan. Mukhang hindi naman niya ito naiistorbo. Natulog siya sa bahay nito. Namamahay siguro siya. Nagyon lang kasi siya natulog sa ibang bahay. Muli niyang ipinikit ang mga mata. Kailangan na niyang matulog dahil may lakad pa sila ni Kuya Will.
Pero hindi siya antukin. Nagmumulat pa rin siya ng mga mata.
“Ano ba gusto ko nang matulog! Kung sino ka mang nag-iisip sa akin, patulugin mo na ‘ko. May date pa ‘ko bukas.” Hininaan niya ng konti ang boses sa huling sinabi.
“What? May date ka bukas? Kanino?” gulat na gulat na tanong ni Erin na bumaling sa kaniya.
“Akala ko tulog ka?” gulat din niyang tanong.
“Hindi ako makatulog kasi ang isa diyan ay ayaw magpatulog.” sabi nito bago malapad na ngumiti. “Teka, tell me. Kanino ka makikipagdate? Who‘s the unlucky guy?”
“Heh! Ayoko nga sabihin.” nangingiting sagot niya bago nagtalukbong ng kumot.
Niyugyog siya ni Erin na bumangon sa kama. “Sige na. Sabihin mo na.”
“Matulog ka na lang ulit.” sagot niya. Ayaw niyang sabihin dito at katakot-takot lang na pang-aasar ang gagawin nito sa kaniya.
“Sige na, Ikay. Eto naman eh. Sabihin mo na. I wanna know kung sino ang ka-date mo tomorrow.” pangungulit nito.
“Ayoko. Baka pagtawanan mo ako eh.”sagot niya.
“Nope. Promise. Hope to die pa.” nag-cross sign ito sa dibdib at itinaas ang kanang kamay.
“Sige na nga.” Inalis niya ang kumot at naupo. Nakikita niyang excited ito malaman. “Wag mo ‘ko pagtatawanan ha.”
Tumango ito ng sunud-sunod.
“Si Kuya Will.”
Nanlaki ang mga mata nito bago malakas na tumili. Agad niyang tinakpan ng isang kamay ang bibig nito.
“Ano ka ba! Bakit ka tumili?”
Natataranta itong umayos ng upo sa kama. “Eh kasi…si Kuya Will? Gosh! Sabi ko na nga ba eh.” nangingiti nitong sabi sa sarili. “May gusto talaga iyon sa‘yo.”
“Ano na naman iyon?”
“ Kasi one time, nakita ko siyang nakatitig sa‘yo. At kapag napapatingin ka sa kaniya ay para siyang lokong mag-iiba ng tingin.”
“Ano ba yang pinagsasasabi mo Erin? Tumigil ka nga. Parang kapatid ko lang si Kuya Will. At saka ginagawa lang naman niya iyon sa akin dahil-”
Nahinto siya sa pagsasalita. Hindi niya pwede sabihin dito na ito at si Marc ang dahilan kung bakit ganoon si Kuya Will sa kaniya. Gusto lamang ni Kuya Will na tulungan siyang malibang para hindi niya maisip ang mga ito.
“Dahil ano?”
“Ah ewan ko sa‘yo. Kung anu-ano naiisip mo.”
“Uy! kinikilig siya.” kiniliti pa siya nito.
“Heh! Matulog na nga tayo.”
Humiga siya at nagtalukbong ng kumot.
“Sungit! Pero sa totoo lang Ikay, Bagay kayo ni Kuya Will.”
“Mas bagay kami ni Marc.” bulong niya.
Ipinikit niya ng mariin ang mga mata. Hindi siya dapat mag-isip ng ganoon. Boyfriend na ni Erin si Marc. Kailangan na niyang kalimutan ang ugok na iyon. At kung si Kuya Will lang ang paraan. Kahit mali ay gagawin niya lahat, makalimutan lang niya si Marc.
0 comments: on "All I Need by Erin - Chapter 4"
Post a Comment