SHARE THIS STORY

| More

Breaking Silence - Chapter 6

(Blue)



Agad pinaharurot ni Lamond paalis sa sementeryo ang kotse niya. Nagpupuyos siya sa sobrang galit. Ang binuo niyang plano ay nasira nang hindi niya napatay ang Ballerina’ng ‘yon!

“Damn!”

Lalo pa niyang binilisan ang pagmamaneho. Wala siyang pakialam kung over speeding na siya. Ang importante ay mailabas niya ang galit at magbalik sa katinuan ang isipan niya.

Hindi siya matatahimik hangga’t nabubuhay ang Ballerina’ng ‘yon. Ito lamang ang makapagsasabi sa kanya ng totoong nangyari sa kapatid niya.

Umiingit ang gulong ng bigla niyang ipreno ang kotse. “Damn!”

Nang tumigil ang kotse ay mariing hinampas ang manibela bago yumuko doon. Hindi mawaglit sa isipan ang anyo ng kapatid. Kahit sa panaginip ay hinihingi nito ang tulong niya. “Damn it Ingrid! Ginagawa ko ang lahat!”

Dinalaw niya ang puntod ng kapatid. Humingi siya ng tawad sa hindi niya pagtupad na patayin si Ballerina. Ngunit muli siyang nangako na hindi siya titigil hangga’t hindi siya nakakapaghiganti sa taong pumatay dito.

Huminga siya ng malalim nang pilit na bumabalik ang alaalang iyon sa isipan niya. Pumikit siya. Anumang pigil niya sa sarili ay muling nagbalik sa kanya ang mga pangyayari.

Nagpunta siya sa apartment nito dahil sa ipakikilala ng kapatid ang new boyfriend nito. Nagtaka siya kung bakit walang sumasagot sa pagtawag niya gayong bukas ang mga ilaw. Umalis marahil ang kapatid kasama ang boyfriend nito at naiwang nakabukas ang mga iyon. Tumingin siya sa kanyang relo. Alas-onse. Ang usapan nila ay alas-nuebe. Ngunit dahil sa dami ng trabahong ginawa niya sa sariling apartment kagabi ay tinanghali siya ng gising. Nagtuloy na siya sa loob. Doon na lamang niya hihintayin ang kapatid. Pagpasok niya sa apartment ay sinalubong siya ng malakas na musikang nanggagaling sa stereo. Napailing siya. Nilapitan niya ang stereo at ini-off. Tumahimik ang paligid. Huminga siya ng malalim. May nararamdaman siyang kakaiba sa paligid. Hindi naman ganito ang pakiramdam niya sa tuwing pupunta siya sa apartment ng kapatid.

Huminga siya ng malalim sa muling pagkadama ng paninikip ng dibdib. Ipinagkibit-balikat niya ang nararamdaman bago tumuloy sa maliit na kitchen. Ang balak niyang pagkuha ng tubig ay naudlot ng makita ang mga platong pinagkainan nila kagabi.

“Ingrid..” napapailing niyang bigkas sa pangalan ng kapatid. Paano niya maiiwan mag-isa ang kapatid kung isip bata pa rin ito at walang alam sa gawaing bahay?

Isa-isa niyang iniligpit ang mga ito at inilagay sa sink. Kumuha siya ng baso sa cabinet sa itaas ng kitchen sink at nagsalin ng tubig mula sa pitcher na nasa dining table. Napakatahimik ng bahay. Hindi siya sanay sa ganitong katahimikan. Inilibot niya ang paningin sa buong bahay. Kumpleto ito sa gamit. Ang apartment na ito ng kapatid ang tanging naiwan ng kanilang mga magulang. Hinayaan niyang si Ingrid na ang gumamit ng apartment dahil madalas naman wala siya at nagpupunta sa ibang lugar.

Nakaramdam siya ng mahinang kaluskos. Nangunot ang noo niya. Sa sobrang tahimik ng paligid ay lumalakas sa pandinig niya ang mahinang kaluskos na iyon. Nagmumula sa itaas. Tila lagaslas ng tubig ang naririnig niya. Nagmumula sa silid ng kapatid. Kung gayon ay nasa itaas ang kapatid niya. Ibinaba niya ang baso sa mesa at pinuntahan ang kapatid.

Kinatok niya ang pinto ng makarating sa silid nito. Isang warning knock bago niya binuksan ang pinto.

“Ingrid..” Tawag niya sa kapatid. Naririnig na niya ng malakas ang lagaslas ng tubig mula sa banyo.

Nahinto siya sa paghakbang ng may matapakang malagkit sa sahig. Nagtatakang hinagilap niya ang switch ng ilaw na nasa kaliwang dingding na malapit sa pinto. Agad na lumiwanag sa silid. Napamura ng matitigan ang nasa sahig.

“What is this?”

Wala sa loob na inilibot ang paningin sa paligid. Maraming dugo ang nagkalat sa kama. Hinayon ng mga mata ang dugong papunta sa banyo.

“Ingrid!”

Agad niyang pinuntahan ang bathroom ng kapatid. Napaupo siya ng madulas sa dugo. Nanginginig niyang hinawakan ang nagkalat na dugo sa sahig. Ayaw niyang isipin na kay Ingrid ang dugong ‘yon. Imposible! Hindi niya kayang tanggapin iyon!

Nakita niyang may maitim at mapulang bagay na nakadikit sa shower curtain ng bathtub. Unti-unting humuhulagpos ang maitim na bagay na iyon sa pulang mantsa sa kurtina. Tila isang mabigat na bagay ang nagpaapaw sa tubig na nasa bathtub. Tumayo siya at nanginginig na pabiglang hinawi ang kurtina.

“I-Ingrid!”

Buhok ng kapatid ang maitim na bagay na ‘yon. Lumubog na ito sa bathtub. Agad niya itong iniahon sa tubig na nahaluan na ng maraming dugo. Namanhid ang buo niyang katawan ng makita ang anyo ng kapatid. May tama ng baril sa pagitan ng mga mata nito. Nakabuka ang bibig at dilat ang mga mata. Hindi niya mapigilan ang manginig. Nanghina siyang napaupo sa sahig kasama ito. Anong nangyari? naguguluhang tanong niya sa sarili.

Hindi niya mapaniwalaan ang nakikita. Patay sa harapan niya ang nag-iisa niyang kapatid. Pero bakit?

Tumingin siya sa mukha ni Ingrid. Tila nagmamakaawa ito sa kanya. Hinawakan niya ang maputla na nitong pisngi.

“Ingrid..what happened?”

Hinawi ang buhok na tumatabing sa mukha ng kapatid. Nagsimula ng magtubig ang mga mata niya. Marahang hinaplos ang mukha nito. Bakit? Kahapon lang ay masaya ito. Anong nangyari? Paanong nangyaring patay ito sa harapan niya?

“I-Ingrid…”

Nanginginig niyang mahigpit na niyakap ang wala ng buhay na katawan ng kapatid. Hinayaan niyang maghalo ang mga butil ng luha niya sa dugong tumutulo buhat sa katawan nito. Yumuyugyog ang mga balikat niya sa paghagulgol.
Digg Google Bookmarks reddit Mixx StumbleUpon Technorati Yahoo! Buzz DesignFloat Delicious BlinkList Furl

0 comments: on "Breaking Silence - Chapter 6"

Post a Comment