(Yesha)
MAY KUNG ilang sandali na siyang naghihintay ng pagtunog ng gadget subalit hanggang sa inabot na siya ng antok ay hindi na sumagot ang texter. Naiinis na inilagay na lamang niya ang cellphone sa ilalim ng kaniyang unan.
“GOOD MORNING, girl!” si Tat ang nabungaran niya pagpasok sa opisina.
“Himala, ang aga mo ah! Let me guess, nagsesermon na naman ang nanay mo?” nakatawang tanong niya. Kilala na niya ang kaibigan. Sa tuwing maaga itong pumapasok ay walang iba kung hindi ang ina nito ang siyang dahilan.
“Sinabi mo! Kasi naman si Jane, nagyaya pang dumaan sa Friday Night eh. Hayun, inumaga na naman kami.”
“Naku, ang kulit niyo talaga. Malamang, absent na naman si Jane niyan. Alam mo naman ang isang iyon, kumabila lang ng alas nueve ang oras ay puyat na.” Isinilid niya sa isang paper bag ang mga gamit na nasa ibabaw ng table saka naupo sa harap ng computer.
“Ay hindi! Mali ka! I’m here na!” Sabay silang napalingon ni Tat sa pinagmulan ng tinig. Si Jane. At hawak nito ang isang tila envelope na kulay dilaw. Iwinagayway pa nito ang hawak at may pagmamadaling inilapag nito ang gamit sa sarili nitong table saka muling nagbalik sa tabi nilang dalawa.
“Ano naman ‘yan?” kunwa’y tanong niya bagaman alam na niya ang laman niyon.
“Oo at puyat talaga ako pero hindi ko matiis ang hindi pumasok para maihatid sa’yo ang ulo ng mga balita for today!” may kasama pang tili ang pagkukuwento nito. Salamat na lamang at wala pang masyadong tao sa paligid nila. Walang sabi – sabing hinablot ni Tat ang hawak ni Jane.
Mula roon ay inilabas ang ilang litrato at isa – isa iyong pinagmasdan.
“Gee, girl! Ito ba ang pina-rush mo sa kapatid mo? Susmeyo, ako na lang pala dapat ang humawak ng digicam eh!”
“Bakit? Akina nga, hindi ko pa rin naman nakikita lahat ‘yan.” Inabot nito ang ilang piraso ng litrato mula kay Tat. Inabala naman niya ang sarili sa pagbubukas ng computer.
“Sana pala ay ipinakita mo man lang sa’kin ang mga ito bago mo ipina-develop. Sayang ang pagod ng kapatid mo dito, sistah!” tila disappointed na wika ni Tat. Nakalabi pa ito habang sinasabi iyon.
Out of curiosity ay nakiabot na rin siya ng ilang litratong hawak ni Jane. Nasa loob ito ng cubicle ni Tat subalit dahil mababa naman ang bawat work cubicle ay nagagawa nilang malayang makipag – usap sa isa’t – isa.
Isa – isa niyang tinunghayan ang mga litrato. Sa simula ay wala naman siyang nakitang kakaiba bukod sa nakakatawang pose ng mga kaibigan. May kuha si Jane na yakap – yakap ang isang pitcher ng beer at may kuha naman si Tat na nakaturo sa ulo ng katabing lalaking nakakalbo. Sa puntong iyon ay tuwang – tuwa siya lalo nang makita sa bandang gilid ng litrato na nakatingin pala kay Tat ang isang kasama nito.
Nang tunghayan niya ang kasunod na litrato ay napatigil siya. Doon naman sabay na sumungaw ang dalawang kaibigan sa kaniya.
“O ano? Ayan, ‘di natahimik ka!”
Napatingin siya sa nagsalitang si Tat. Hawak ang litrato ay nakangunot – noo niyang tiningala ang mga ito.
“Ano ‘to?” tanong niya.
“Litrato?” sagot ni Jane.
“Oo. Alam kong litrato. So ano ngayon ito?” muli niyang tanong. Walang anu – ano ay inilagay ni Tat sa noo ang picture na hawak nito at saka hinarap si Jane.
“Hmmm…bagay ba ito?” pakuwelang tanong nito na ang ipinahihiwatig ay ang isang laro na sikat na sikat sa TV.
“Hindi…” tugon naman ni Jane.
“Hmmm…pook? Pangyayari? Lugar?” sunud – sunod na tanong ni Tat dahil sa sunod – sunod na pagsagot din ng ‘hindi’ ni Jane. Subalit ang mga ito lang ang tumatawa dahil hindi niya makuhang matuwa sa ginagawa ng mga ito.
“Hayop ba ito?”
“Puwede.” Tugon ni Jane na siyang naging final straw upang matawa na rin siya.
“Don’t worry, Eure. Wala ka namang mukha na makikita diyan kaya walang namang rason na mag – OA ka.”
Muli siyang natawa. Nang iabot lahat ni Jane ang mga pictures at isa – isa niyang tingnan ang mga iyon ay halos mahulog na siya sa upuan sa katatawa. Anim lahat ang kuha subalit ni isa ay wala siyang naaninag na malinaw na mukha. Kung hindi nakatalikod at nakatagilid ay may katabi namang tao na nakatakip sa subject na kinuhanan ng mga ito. Pero napatigil siya nang tunghayan ang huling litrato. Side view ang kuha at umiinom ng beer ang lalaking nasa larawan subalit hindi maikakaila ng dilim ang taong iyon. Bigla ay kumabog ang kaniyang dibdib.
“Positive, Jane. Si Sir Austin nga.” Ani Tat nang mapansing natigilan siya.
“You mean, kinuhanan niyo siya ng pictures nang hindi kayo sigurado na siya ito?” ang hintuturo niya ay nakaturo pa sa hawak na larawan.
“Try to look at him, Eure. Makikita mong malaki ang pinagbago niya. Napakaguwapo niya ngayon. Sobra!” bigla ay tila nangangarap na sabi ni Jane.
“At ‘di lang ‘yon, kung dati ay clean looking siya, ngayon ay may stubbles na. Ano kaya ang pakiramdam kung madampian ako sa leeg ng mga ‘yun?” tumili pa si Tat kaya inihampas niya nang mahina sa braso nito ang mga larawan.
“Hay naku, tigilan niyo na ‘yan. You just wasted your time and effort for that jerk!” aniya.
“Jerk? ‘Yan ba ang nickname ni Sir? Come to think of it…may dating ha…Dumating na pala siya sa Pinas, bakit hindi mo man lang kami sinabihan?”
Inirapan niya si Jane saka ibinalik dito ang mga litrato.
“Hindi ko alam na narito na siya. At kung alam ko man, sino naman siya para i-inform ko pa kayo sa pag – uwi niya?”
“Well, siya lang naman ang unang lalaking nagpaibig at nagpaiyak sa’yo. Therefore, VIP siya ‘diba?”
Nag high five pa ang dalawa kasabay ng matinis na tawa. Bigla namang tumahimik ang mga ito nang ianunsiyo ng isang kasamang empleyado na paparating na si Ms. Estela. Nagmamadaling lumipat sa sariling work cubicle si Jane.
“KITA NIYO NA, kalat na ang balita, mga mare. Babalik na si Sir Austin dito next week. Sinasabi ko na nga ba at siya nga ang nakita natin sa Friday Night, ‘diba Tat?!” siniko pa nito ang katabing si Tat.
Kasalukuyan silang kumakain sa canteen ng building nang napadaan ang ilang lalaking empleyado at narinig nila ang balitang babalik na raw sa kompanya ang panganay na anak ng mga Perez.
“So?” maikling tugon niya bago isinubo ang huling pagkain na nasa pinggan.
“So – so ka diyan! Nakalimutan mo na ba na dati ka niyang sekretarya?” ani Tat.
“At puwede ka niyang i-pull out para gawing sekretarya niya ulit kung gugustuhin niya!” dugtong naman ni Jane.
Napaisip siya. May punto ang mga ito. Kulang dalawang taon din siyang naglingkod bilang executive secretary ni Austin bago ito ipinadala ng ama sa Japan upang mamahala sa isang negosyong muntik nang bumagsak doon. Ang totoo’y nagkukunwari lang naman siya. Hindi lang niya ipinahahalata sa mga kaibigan ang kabang unti – unting sumisibol sa dibdib niya. Paano nga kung bumalik na ang binata? Paano niya ito pakikiharapan? Magagalit ba siya? O magkukunwaring balewala ang nakaraan?
Nasa ganoon siyang pag – iisip nang maramdaman ang panginginig ng bulsa. Mula doon ay dinukot niya ang E63 cellphone na naka – silent at binasa ang mensaheng nasa Inbox.
“hello, sweetie…ur getting prettier everyday…”
Pasimple siyang luminga – linga sa paligid. Nang mapadako ang tingin sa isang mesang nasa gawing likuran ay napangiwi siya. Huling – huli niya sa akto si Rene na nakangiti sa kaniya habang nagte – text. Titig na titig ito na animo ay gandang – ganda sa kaniya. Hindi yata at ito ang mystery texter niya? Akala pa naman niya ay…
Muling tumunog ang gadget at same number ang nakita niyang nagtext doon. Sa puntong iyon ay muli niyang nilingon si Rene at nakita niyang ipinamumulsa na nito ang hawak na cellphone. Nakahinga siya nang maluwag. Salamat naman at hindi ang may ‘one seat apart’ na ngipin ang texter niya.
“how r u?” iyon ang isinasaad ng mensahe.
“u know what, I hate stalkers.” Sagot niya. Sa lahat nga ayaw niya ay ang pinaglalaruan at sinusundan – sundan siya. Patuloy naman sa pagkain ang dalawang kaibigan. Minabuti na niyang hindi banggitin sa mga ito ang stalker niyang iyon. Hindi niya bibigyan ng kasiyahan ang mga ito sa paglalaro sa kaniya. Kung hindi si Rene, tiyak na kung sinong kakilala lang ng dalawa ang posibleng texter niya.
“im not stalking…just wanna protect u from danger..remember, this is SHAIDER.”
Napangunot ang noo niya. Ano bang talaga ang trip ng isang ito?
“Sir Austin?” lakas – loob na tanong niya. Halos ay malaglag ang kaniyang E63 sa pagmamadaling damputin iyon nang marinig niya ang sariling message tone.
“Austin hu? I hope he’s as handsome as me, sweetie…”
“go 2 hell! He’s not handsome but a nymphomaniac and ill-mannered Perez!”
Nang tumunog na muli ang cellphone ay agad niyang binura ang mensaheng naroon nang hindi man lamang iyon binasa. Inis na inis na isinilid niyang muli iyon sa kaniyang bulsa matapos patayin.
KINABUKASAN ay laking gulat niya nang madatnang walang laman ang kaniyang mesa. Magtatanong sana siya sa isang kasama kung hindi pa dumating ang tumatakbong si Tat.
“Sorry, Eure. Hindi ka na namin na- inform. Madalian kasi. We didn’t have the chance to…”
“Wala na ba akong trabaho?” Hindi niya pinatapos sa pagsasalita si Tat at itinanong ang unang ideyang pumasok sa isipan.
“Silly girl! Inilipat lang naming ang mga gamit mo…utos ni Boss…”
Lumipad ang tingin niya sa kaibigan. Boss?
“Utos ni VP?” pagkumpira niya sa kaniyang hinala. Alam naman niyang hands on sa kompanya ang VP samantalang lumitaw dili ang presidente ng kompanya.
“Utos ni Boss Austin. Contrary to the chismis brought to you by the male chauvinist population na next week pa ang balik niya, he’s now back!” litanya nito na ikinalaglag ng panga niya.
Nang haplusin ni Tat ang baba niya upang kunwa ay itaas, tinabig niya iyon nang madilim na madilim ang kaniyang mukha.
“Nasaan siya, Tat?!” may panganib sa tinig niya nang magtanong.
Napanganga sa pagkabigla ang kaibigan. Agad nitong hinawakan ang kaniyang braso upang pigilan.
“Don’t stop me now, Tat. You should have done that three years ago…”
“Nakupo, maghunus dili ka, Europa!”
“Let go of my arm, Tat! I need to face the bull…!” wika niya habang nakatingin sa braso niyang pigil – pigil ng kaibigan.
“Juice ko, Europa, pigilan mo ang sarili mo! Baka magkamatayan kayo ni Sir, wala pang suweldo, maawa ka! Ikaw din, hindi ako makakapunta sa…”
“Shut up!” sigaw niya na ikinabigla nito.
“Sabi ko nga, shut up…shut down…Go, lakad na at baka hindi mo abutan si sir!”
Labis na inis ang lumulukob sa kaniya kaya tila umuusok ang kaniyang ilong sa matinding emosyon na nararamdaman. Malalaki ang hakbang na nagmartsa siya patungo sa opisinang tatlong taon na rin niyang hindi nasisilayan.
3 comments: on "Sana Ngayong Pasko - Chapter 2"
Please delete all the stories you have posted here. TAGALOG ONLINE POCKETBOOK
Please delete all the stories posted in this site because these are owned by Tagalog Online Pocketbook. SANA NGAYONG PASKO is legally owned by CHAPTERS OF THE HEART PUBLISHING. If you will still block me and refuse to delete the said posts, the publishing house will have to sue you for violating copyright laws. Avoid issues and complications by deleting all the stories here that are not yours especially SNP. Thank you so much.
Yesha
SNP Author
Please delete all the stories posted in this site because these are owned by Tagalog Online Pocketbook. SANA NGAYONG PASKO is legally owned by CHAPTERS OF THE HEART PUBLISHING. If you will still block me and refuse to delete the said posts, the publishing house will have to sue you for violating copyright laws. Avoid issues and complications by deleting all the stories here that are not yours especially SNP. Thank you so much.
Yesha
SNP Author
Post a Comment