(Blue)
HINDI maipinta ang mukha ni Ikay. Asar na asar siya sa kaartehan ng babaing kaharap niya na nagmumukha ng ahas sa paningin niya, kung makalingkis kay Kuya Will, akala mo aagawin! ang sarap sabunutan. Naikuyom niya ang mga kamay.
Kinulbit siya ng best niya na katabi niya sa upuan.”Simang ka na naman.” bulong nito.
Hindi niya pinansin ang best niya. Naka-focus lang ang tingin niya kay Cathy na sobra naman yata ang pagka-inlove kay Kuya Will. Bahagya niyang napukpok ang plastic na mesa. Napatingin sa kaniya ang mga barkada.
“May nakita kasi akong nakakaasar eh.” Nag-garfield smile siya. Yung smile na nagpipigil lang mangalmot ng mukha.
Lihim na nagtawanan naman ang mga girls dahil kitang-kita sa mukha ni Ikay na nagseselos ito sa mag-love birds.
“Ang swerte talaga ni Will ano, mga pare, biruin niyo may sexy na tagasundo.” nanunuksong sabi ni Sipag.
Pinukol niya ng pagkatalim-talim na tingin si Sipag, Kung kutsilyo lang ang mga mata niya, kanina pa ito hiwa-hiwa.Tila naman kinikiliti na tumawa ang bruha…este si Cathy. Ang arte tumawa may patakip-takip pa sa bibig.
“Oo nga eh, may paa naman si Kuya Will bakit kailangan pang sunduin.” nakaplaster na ang ngiting garfield sa mukha niya.
Nagbungisngisan na ang mga girls. Naiiling lang si Bossing. Tila asar din ito. Tumawa na naman ang maarteng Cathy na ‘to!
“Namiss ko kasi ang honey ko, kaya gusto ko lagi ko siyang nakikita.” at parang batang nag-beuautiful eyes kay Will na nangunot ang noo.
Ang arte! Sarap sabunutan! nanggigigil siya. Hablutin na niya kaya ang makintab nitong buhok at ipaghampasan kung saan.
“Oh, I almost forgot honey, kailangan ko pa lang dumaan sa salon kasi medyo mahaba na ang buhok ko, kailangan kong paiksian ng konti.” at maarte pang hinawakan ang hanggang baywang na nga nitong buhok. “Pwede mo ba ako samahan?”
“Bakit sa salon ka pa pupunta? Ako na lang ang gugupit sa’yo, tiyak ko kakalbuhin kita…este, lalagyan pala natin ng style.” nagfake ng masayang tawa. parang baklang tinakpan ang bibig.
Pigil na pigil ng Girls ang pagtawa. Talagang asar na si Ikay.
“Are you angry ba?” inis na tanong nito. Kanina pa nito nahahalata na inaasar niya ito. Kita sa mukha eh. Painosente pa halata namang asar na sa kaniya.
“Oh me?” eksahaherado pang itnuro ng dalawang kamay ang sarili niya at painosenteng sumagot. “No..No..No…No..” ginaya pa niya ang pagtawa nito.
Pumaling ito tingin kay Will. “Honey, Is she retard?” tanong nito at itinuro pa siya at binuntutan ng nang-iinis na tawa.
Hagalpakan na ng tawa ang mga kaibigan niya. Naiinis siya. Tumingin siya kay Kuya Will, wala man lang mabasang kung anuman dito. Ganito ba ito ka-bato? Inaapi na siya hindi pa siya ipinagtatanggol. Lihim niyang sinaway ang sarili. Heh! Wala kang karapatan Ikay. Si Cathy ang girlfriend nito. Little sister ka lang ni Will. Nakakaasar!
“Ihatid mo na nga si Cathy, Will.” ani Bossing ng mahimasmasan sa sobrang pagtawa. “Baka may sumabog ng bulkan dito.”
Hindi umiimik na tumayo si Will. Hindi na hinintay si Cathy na tumayo. Nagpatiuna nang maglakad palabas ng canteen.
Inirapan niya si Cathy ng nakatalikod na at humabol kay Will.
“Ang weird ni Kuya Will ngayon.” puna ni Jinks. “Nakita niyo hindi man lang niya hinintay si Cathy at hindi man lang niya sinabayan. At saka ang tahimik niya ngayon.”
“Eh mute iyon!” asar niyang sagot. Pero napansin nga rin niya iyon. Mahigit isang linggo na si Cathy pero ni ha- ni ho kay Kuya Will wala siyang naririnig. Hindi man lang ito nagku-kwento sa kanila. Nagkibit balikat siya. Gawain naman nito na hindi magkwento tungkol sa kanila ni Cathy pero iba nga ngayon si Kuya Will. Kakausapin niya ito bukas at kukulitin niyang magsabi sa kaniya.
Napatawa si Sipag ng may maalala. “Girls may bago na kayo expression ngayon.”
“Ano?” tanong ni Jen.
“Is she retard?” ginaya pa si Cathy at itinuro siya.
“Heh!” inis niyang sigaw na nangibabaw sa tawanan ng barkada.
“WILLIAM honey ko. Wait!” hindi niya masabayan ang mga hakbang ni Will kaya naman patakbo na niyang sinusundan ito.
Huminto si Will at tiningnan siya. “Ano pa bang kailangan mo? Matagal na tayong tapos hindi ba Cathy?”
Huminga siya ng malalim. Hindi siya sanay sa malamig na pakikitungo ni Will sa kaniya.”I know. But I still want you, William. Napilitan lang akong magpakasal kay Kenji dahil malaki ang utang ng loob ng papa sa pamilya ni Kenji. Mahal kita.”
Nailing ito at tiningnan siya. “Bumalik kana sa asawa at anak mo.”
“Si Ikay ba ang dahilan, William?”
Hindi siya sinagot nito. Nginitian lang siya. Pero nakuha na niya ang sagot. Kilala niya si William, halos sabay na sila lumaki at naging boyfriend niya ito for two years. Alam naman niyang galit ito sa kaniya at alam din niyang ginagalit lamang siya nito para makaganti sa ginawa niya.
“Hindi ko mapapayagan na si Ikay ang ipalit mo sa akin, William!” sigaw niya.
Tila balewala lang dito ang sinabi niya. Tuluy-tuloy lang ito sa pang-iwan sa kaniya. Nanggigigil na sinundan niya ito.
NAIINIS na napakamot sa ulo si Ikay. Kanina pa siya sa stage, wala pa rin ang mga ka-trouper niya sa teatro. Bukas na ang play nila kaya sasagarin at pipigain na sila ng stage director nila. Hatinggabi na naman sila matatapos sa pagpa-practice. Lagot na naman siya sa Daddy niya. Uuwi na naman siya ng late na.
Nagpalinga-linga siya. Wala pa rin siya makita ni kuko ng mga ito. Hindi talaga on-time ang mga ito. Palagi na lang siya pinaghihintay. Nakakaasar!
Napaiktad siya sa gulat at agad nagdilim ang paligid niya. May tumakip sa mga mata niya.
“Hinihintay mo ba ang pag-dating ko, Mahal?”
Napatawa siya. Kilala na niya kung sino ito kahit na hindi ito magsalita. Si Kuya Will lang naman ito. Ito lang naman ang mahilig mang-gulat at magtakip ng mga mata niya.
“Very funny!” nag-fake pa siya ng tawa. “Tanggalin mo na ang mga kamay mo at baka samain ka akin, Mahal.” pakikisakay niya dito.
Natatawa nitong tinanggal ang mga kamay. Napapikit siya sa bahagyang pagkasilaw sa liwanag, nagulat siya sa paghalik nito sa kaniyang noo.
Naupo ito sa tabi niya at nginitian siya. Iba ngayon si Kuya Will. Nahaplos niya ang noong hinalikan nito. Iba ang naramdaman niya sa halik nito.
“Pwede na ba akong maging stage actor?” nakatawang tanong nito. Kumikislap ang mga mata nitong nakatunghay sa kaniya. Ganoon rin ang mga mata nito ng gabing halikan siya nito.
Napatitig siya sa mga mata nito. Nalilito siya sa ipinapakita ng mga mata nito sa kaniya. Nabubuksan na naman ba ang matagal ng nakatago sa sulok ng puso niya? Marahang umangat ang isang kamay niya. Hinaplos niya ang mga mata nito at bumaba sa kaliwang pisngi. Napapikit ito, dinama ang mga haplos niya.
Hinawakan niya ang kamay ni Ikay na nakahaplos sa pisngi niya at dinala iyon sa mga labi. Kung hindi pipigilan ni Will ang sarili ay muli niya itong mahahagkan. Hindi na siya umaasa pang mamahalin din siya nito, Tama na sa kaniyang kasama niya ito. Ibinaba niya ang kamay nito at hinaplos ang buhok.
Ngumiti si Ikay, “Sabi ko naman kasi sa’yo, pwede kang maging stage actor ayaw mo lang.” tabingi yata ang ngiti niya. Bakit niya nagawang haplusin ang mga mata ni Kuya Will? Nagmamalikot kasi ang puso niya. Para itong may string na nagpapagalaw sa mga kamay niya.
Umiling ito.” Nah..hindi ko gustong pagkaguluhan ng mga tao. Ayoko maging popular.” nakangisi ito at hinila pa siya para mapalapit dito na sinunod niya at ngayon ay nakahilig pa ang ulo niya sa braso nito.
“Ang yabang mo!” nakatawa niyang sagot. Bakit kaya siya masaya ngayon? nakakaloka itong nararamdaman niya.
“Susunduin kita mamaya, call me after your practice okay? Huwag kang aalis ng hindi ako dumarating okay?” nasa mata nito ang warning ng tingalain niya.
nagmake-face siya at inirapan ito. Ugali niya kasing pag-nainip ay umaalis at hindi na nanghihintay. Baka nga magawa niya ngayon iyon dahil sa tagal ng mga ka-trouper niya. Pero ngayon lang siya hindi nainip. Kasama niya kasi si Kuya Will.
“Well then, Ihahatid ko muna si Cathy. Call me after your practice.” tumayo ito at humalik sa noo niya at nagsabi ng break a leg bago siya muling naiwang mag-isa.
ANO na naman ba ang nararamdaman niya at hindi mapuknat ang ngiti niya sa mga labi? Kaninang nagpa-practice sila ay damang-dama niya ang role niya. Inspired ba siya? Si Kuya Will ba ang dahilan? sinaway niya ang sarili ng makaramdam na tila kinikiliti ang puso niya. Hindi siya dapat makaramdam ng ganoon dahil may Cathy na ito.
Napayakap siya sa mga braso niya ng humangin. Tumingin siya sa wrist watch na suot. It’s nine-thirty, bakit wala pa si Kuya Will? thirty minutes na siyang nag-text bakit wala pa ito?
Naisipan niyang bumili ng ice cream sa isa sa mga store na malapit sa school. Nang makabili ay muling bumalik sa waiting shed na nasa labas ng school para sa mag etudyanteng naghihintay ng mga sundo. Wala pa rin ito. Naupo siya at sinimulang kainin ang naalisan na niya ng balat na ice cream. Naging favorite niya ang ice cream dahil ito ang malimit na ibigay sa kaniya ni Kuya Will bukod sa mga mangga kapag sinasapian siya ng pagka-topak niya.
Naipaypay niya ang isang kamay ng maramdaman ang lamig sa bibig niya. Naitanong sa sarili kung may mainit bang ice cream. Ganito siya kapag nag-iisa. Kinakausap ang sarili. Wala naman sigurong makakapuna sa kaniyang nababaliw na siya sa pagkainip. Ang tagal dumating ng sundo niya.
“Natraffic siguro iyon sa ere.” natatawa niyang kausap sa sarili. “Bakit kaya ang tagal n’un?”
“CATHY tama na iyan.” mahinahon pa rin na sita ni Will kay Cathy na hindi na makatayo sa sobrang pagkalasing. Hindi naman ito sanay uminom kung bakit ang lakas uminom ng ganoon karami.
“Huwag kang KJ, Will. Minsan lang ulit natin nakasama itong si Cathy pagbabawalan mo pa.” singit ng kaibigan niyang si Kenneth. Bukod kay Reed ay may mga kaibigan pa sila ni Cathy na malimit puntahan sa Indang. At kanina ay naisipan ni Cathy na puntahan ito dahil ito na lang ang hindi pa nito nakakamusta. Sinamahan niya ito sa pag-a-akalang saglit lamang sila doon, ngunit nagkayayaang mag-inuman ang dalawa kaya napilitan siyang hintayin si Cathy.
Hindi niya magawang uminom dahil mapapagalitan siya ni Ikay. Hindi na nito gustong makitang umiinom siya ng alak. Muli siyang tumingin sa side table kung saan nakapatong ang maliit na alarm clock. Iritable na siya. Pasado alas-diyes na, naghihintay na si Ikay sa kaniya.
“Cathy let’s go.” halata na sa tinig niya ang iritasyon. Hindi naman niya maiwan ito dahil alam niya ang ugali ng kaibigan niya. Nakaupo ito paharap kay Cathy kaya kitang-kita niya ang pag-ngisi nito sa tuwing mahahantad sa paningin nito ang mga hita ng una. Kahit alam nitong girlfriend pa rin niya si Cathy ay papatusin nito ang babae malingat lang siya. Kaya hindi niya mapapayagan na may gawin itong masama kay Cathy.
“Ano ka ba, William! I’m having fun here. Don’t be such a kill joy.” maarteng halakhak nito. Muling kumuha ng bote ng beer at inilapit sa bibig pero hindi uminom tumingin sa kaniya. “Bakit ka ba nagmamadali, William, honey? Naghihintay ba sa’yo si Ikay? oh, yeah, susunduin mo nga pala ang babaing iyon sa school, i forgot honey, sorry!” at sinabayan pa nito ng nakakainis na tawa.
Halos maglabasan na ang mga ugat niya sa leeg sa pagpipigil na huwag itong kaladkarin palabas ng bahay ng kaibigan niya. Naihilamos niya ang isang kamay sa mukha at mahinahon pa rin nagsalita.
“Cathy, let’s go. Ihahatid na kita sa inyo.” kinuha na niya sa kamay nito ang beer at tinanguan ang kaibigan. “Sige pare, mauna na kami. Salamat sa beer. Kailangan ko nang iuwi si Cathy.”
napakamot ito sa ulo at tumango. “O sige na nga, kahit kailan ka talaga, napaka-KJ mo.”
Inalalayan niyang tumayo si Cathy pero halos mawalan na ito ng malay sa sobrang kalasingan. Ang ginawa niya ay pinangko na lamang niya ito.
“Ihahatid ko na kayo sa labas. Sigurado kang kaya mo ‘yang buhatin?Dito mo na lang iyan patulugin.”
“Wala akong tiwala sa’yo, pare.” nakangiti niyang sagot pero ipinahiwatig niyang totoo ang sinabi niyang iyon.
“Ikaw talaga. O sige na, ihahatid ko na kayo.”
Nagpatiuna na itong lumabas, Tumingin siya ulit sa alarm clock, Alas onse na. Hindi na siya mapakali sa sobrang pag-aalala kay Ikay.
KINALAMPAG na ni Will ang pintuan ng bahay nina Ikay pero wala pa rin magbukas ng pinto sa kaniya. Alam niyang may tao sa loob dahil bukas ang ilaw sa sala at sa silid nito. Alam niyang nasa loob ito at galit sa kaniya dahil hindi niya ito nasundo.
“Ikay, please! open this door. I’m sorry. Nagpunta ako sa school pero hindi na kita naabutan.”
Pahiklas na binuksan ni Ikay ang pinto at bumungad sa kaniya ang nahihirapang anyo ni Will. Wala na siyang nagawa kung ‘di pagbuksan ito ng pinto. Magigiba na nito ang pintuan sa sobrang pagkalampag nito. Mabuti na lamang kanina pa umalis ang mga magulang niya papuntang Bicol.
“Ikay, I’m sorry.”
Nagpahid siya ng mga mata. “Late kana, Kuya Will. I’m home. Nakauwi naman akong mag-isa kaya salamat sa concerned mo.” Naiinis siya sa sarili niya. Palagi na lang siyang umiiyak sa harapan nito.
“I’m sorry Ikay. Inihatid ko muna sa kanila si Cathy dahil lasing na lasing siya.” nagpapaunawa ang tinig nito.
Lalo lang nagpasakit iyon sa loob niya. Oo nga naman, si Cathy ang mas uunahin nito dahil si Cathy ang girlfriend nito at siya ay isang hamak na kapatid kuno lang.
“Naintindihan ko naman, pero sana huwag kang magsasabi kung hindi mo lang din gagawin. Naghintay ako sa’yo eh. Halos nilamig na ako kasi ang sabi mo huwag akong umalis doon. Pero hindi ka dumating, si Cathy ang dahilan. Okay lang, dapat nga si Cathy ang mas unahin mo kaysa akin. ” huminto siya. hindi na niya alam ang pwede pa niyang masabi. Halos hindi na niya ito makita sa pagkahilam ng mga mata niya sa luha.
Niyakap siya nito at sa dibdib nito siya umiyak ng umiyak. “Naiinis talaga ako sa’yo. Pinag-alala mo ako. Akala ko kung ano na nangyari sa’yo. Hindi ka nagreply sa mga text ko, hindi ka man lang tumawag iyon pala na kay Cathy ka. Naiinis talaga ako sa’yo.”
“I’m sorry, Ikay.” Hinapit pa siyang lalo palapit dito.
Nagsumiksik pa siya sa katawan nito. Umaamot ng init sa mga bisig nito. Matagal sila sa ganoong ayos. Tila walang gustong bumitaw sa kanilang dalawa.
Ang sabi niya kanina ay hindi na niya ito muling kakausapin pero niyakap lang siya nito ay naging ayos na sa kaniya ang lahat. Hindi niya talaga kayang magalit dito ng matagal.
Si Will na ang kumalas ng yakap kay Ikay. Nagbuga ng hangin sa pagpipigil sa sarili. Humawak sa mga kamay ni Ikay at dinala sa dibdib. “I’m sorry. I swear, hindi ko na uulitin.”
Nag-make face si Ikay at hinampas ang dibdib nito. “Sige, pero ibili mo muna ako ng ice cream.” nakalabi niyang sabi.
Nangunot ang noo nito. Tila magpo-protesta pero inunahan niya ito agad.
“May bukas pang tindahan, Y’ong seven eleven. Doon ka bumili. Isang galon ha. Vanilla ice cream.” nakairap niyang sagot dito sa nakitang pagtatanong sa mga mata nito.
“Papupuntahin mo pa ako sa bayan.” reklamo nito.
“Sino ba ang may kasalanan sa atin ha?”
napakamot ito sa ulo. “Ala-una na ng madaling araw, kakain ka pa ng ice cream.”
“ah basta, iyon ang gusto ko. Kapag hindi mo ako ibinili, hindi na kita talaga bati!” pumadyak pa ang isang paa niya at nakangusong inirapan pa niya ito.
Napataas sa langit ang tingin nito at napapabuntong hininga. Alam niyang hindi siya nito matitiis kaya sasagarin na rin niya ito.
“Ano? ibibili mo ba ako o hindi?” nakataas pa ang kilay na tanong niya. Gusto na niyang humagalpak ng tawa dahil sa nakikitang reaksyon ng kaharap niya.
“Oo na.” Napapabuntong hininga nitong sagot.
“Oh ano pang hinihintay mo? Bumili kana, dapat after twenty minutes nandito ka na ha. Ayoko ng maghintay sa’yo.” Pagkasabi niya ay siyang pasok niya sa loob ng bahay at isinara ang pinto.
Nang hindi na niya marinig ang mga yabag nito ay napabungisngis siya. Hindi naman talaga siya ang kakain ng ice cream kung hindi ito. Ipapaubos niya talaga ang isang galon dito!
0 comments: on "All I Need by Erin - Chapter 12"
Post a Comment