SHARE THIS STORY

| More

Sana Ngayong Pasko - Chapter 9

(Yesha)


MAY KUNG ilang segundong basta na lamang sila nakatayo ni Austin at nakatitig sa isa’t – isa. Kapwa hindi agad makapagsalita sa matinding pagkabigla.

“S-Shaider?” pagkuwa ay tanong niya.

Hindi agad nakasagot si Austin. Kumibot ang labi nito na wari ay may ibig sabihin subalit nauwi rin iyon sa pagtahimik. Nang kumilos siya upang tunguhin ang ladies room ay saka lang ito gumalaw. Madali nitong tinawid ang pagitan nila saka hinawakan ang kaniyang braso.

“Let me…”

Hindi na natapos ni Austin ang ibig nitong sabihin nang isang nakatutulig na sampal ang natanggap nito.

“Ang kapal ng mukha mo!”

“Europa, magpapaliwanag ako…give me time to explain what happened…” wika nitong hawak ang namumulang pisngi.

Ngumiti siya nang mapait. Hindi ba dapat ay magdiwang siya dahil nangyari na ang ibig niya? Bakit sa halip ay nagagalit siya at nasasaktan?

“Wala kang sasabihing sasapat para pagtakpan ang mga kalokohan mo! At hindi ka pa nakuntento sa ginawa mong pagpapaasa sa akin dati? Dinagdagan mo pa ang mga atraso mo!”

Sinubukang abutin ni Austin si Eure subalit patuloy itong umiiwas.

“Hindi ko pinlanong saktan ka. Hindi kita niloko, makinig ka nga muna!”

“Pakatandaan mo ang araw na ito, Mr. Agustin Perez! Dahil ito ang araw na tinapos mo ang anumang hangal na damdaming mayroon ako sa’yo!”

“Eure…Eure! Mag – usap muna tayo!”

Mabilis na tumalikod ang dalaga at walang nagawa si Austin kung hindi sundan na lamang ito ng tingin.

“SERYOSO KA na ba sa desisyon mong ‘yan?”

Tumango siya sa tanong na iyon ni Jane. Kasalukuyan niyang ipinapaloob sa isang puting sobre ang kaniyang resignation letter.

“Girl, baka naman nabibigla ka lang. Patawarin mo na si Sir sa mga nagawa niya. Akalain mong naisip pa niya ‘yun para muli kayong magkausap ng normal gaya ng dati?”

Tiningnan niya nang matalim si Tat.

“Ganoon? So dapat ko pa siyang pasalamatan dahil napaka-wise ng idea niya na linlangin ako?”

“Hindi naman sa ganoon, friend. Ang ibig lang sabihin ni Tat, baka naman kasi dahil puro away kayo no Sir eh naisipan niyang makipagkaibigan sa’yo sa pamamagitan ng pagte-text.”

“Okay, granted na ganoon nga. Mapapatawad ko pa siya doon. Pero paanong nangyari na pati si Shann ay kasabwat niya? Isa pa ang lalaking iyon! Huwag siyang magpapakita sa akin at tiyak na kakalbuhin ko siya!” galit pa ring wika niya.

“Ay huwag namang ganoon, friendster! Kawawa naman si Shann ko! Ano pa ang sasabunutan ko kung kakalbuhin mo siya?” maarteng wika ni Tat na kunwa ay nagulat sa tinuran ni Eure.

“Ewan ko sa’yo, Crisanta! Basta ako, wala nang mahalaga sa’kin ngayon kung hindi ang maipasa sa unggoy ninyong amo ang sulat kong ito. Period.”

Nagkatinginan naman si Jane at Tat kasabay nang paglamlam ng mga anyo nito.

“Europa, hindi ko akalaing sa ganito lang magtatapos ang friendship natin. Apat na taon? Tapos ay tutuldukan mo lang nang ganoon ang lahat? Nang dahil lang sa lalaki?”

Tama si Jane. Pero hindi rin niya maunawaan ang sarili. Hindi niya alam kung saan magsisimula matapos niyang matuklasan ang pagbabalatkayo ni ‘Shaider.’ Paano niya ito pakikitunguhan sa oras ng trabaho?

“Walang mababago, friends. Ganito pa rin tayo. Uuwi na ako sa province namin sa darating na Sabado pero dadalawin ko pa rin kayo pa paminsan – minsan. Ano ba ang silbi ng Facebook at Friendster kung lagi tayong magkakasama ‘diba?” biro niya gayung nararamdaman na niya ang panunubig ng mga mata. Higit pa sa kaibigan ang turingan nilang tatlo at talagang maninibago siya ‘pag tuluyan na niyang iniwan ang trabaho.

Pero hayun nga at mistulang may patunay na ang pag – alis niya sa kompanya ng mga Perez. Kumbaga sa kuwento, may ebidensya na siya at kailangan niyang maihatid agad ang ebidensiyang iyon kay Austin.

TULUY – TULOY siyang pumasok sa opisina ni Austin. Iyon na ang huling araw na tutuntong siya sa lugar na iyon. Dahil plano na niyang umuwi sa probinsiya at tanggapin na lamang ang iniaalok na trabaho ng kaniyang Tiyo Pedring. Hindi naman marahil siya mahihirapan sa pagpapaunlad ng dalawang groserya ng mga ito. Bukod doon ay matutupad na rin ang hiling ng kaniyang ina na umuwi sa lupang sinilangan nito. Limang taon na rin naman silang hindi nauuwi sa Iligan at nami-miss niya na rin ang makabalik doon.

Subsob ang ulo ni Austin sa mga papeles na nasa harapan nito at tila hindi nito napapansin ang kaniyang pagdating. Pagtapat niya sa harapan nito ay agad niyang ibinaba sa mesa ang dalang resignation letter. Animo’y nabigla pa ito bago tumingala at tumingin sa kaniya.

“What’s this?” tanong nito.

“Marunong ka naman sigurong magbasa. Read it.”

Kunot ang noong binuksan nito ang sobre. Ilang sandali lang ay muli itong tumingin sa kaniya na tila anumang oras ay handa siya nitong sagpangin.

“You are giving up your job just because of what happened?” napakadiin ng mga salitang binibitawan nito at bigla ay mapulang – mapula ang mukha marahil sa tinitimping galit.

“Mahalaga sa akin ang trabaho ko lalo’t apat na taon na rin naman ako dito. Pero hindi ko kayang magtrabaho kasama ang sinungaling at manlolokong gaya mo.” Diretsang sagot niya.

“Stop acting like a baby, Europa. Napakasimple lang ng dahilan mo para ipagpalit ang trabaho mo! Kung ako ang problema mo, huwag mo akong kausapin! Ipapaayos ko ang silid para hindi na tayo direktang mag – uusap. Ipapagawa ko ang…”

“Nag – aaksaya ka lang ng laway sa kasasalita, Mr. Perez! Wala akong panahong magtagal dito dahil kailangan ko pang ayusin ang mga gamit ko. Ngayon, puwede na ba akong magsimulang maghakot?”

Napatiim – bagang si Austin.

“Buweno, bahala ka kung ‘yan ang magpapasaya sa’yo. Pagod na rin naman ako sa kapapaliwanag sa makulit na sekretaryang gaya mo!”

Nabigla siya sa sinabi nito.

“Ang kapal talaga ng mukha mo!”

“Guwapo naman…”

Lalo nang nag – init ang kaniyang mukha sa isinagot nito. Lalo pang nakaiinis na tila balewala dito ang pag – alis niya. Ngayon ay malinaw nang talagang ginawa lang siyang laruan ng lalaking ito!

“Sino ang nagsabi sa’yong guwapo ka? Mommy mo?”

“Kanina lang ay tila ka batang nagtatantrums, sweetie. Ngayon naman ay tinalo mo pa ang matandang nag – uulyanin. Ikaw ang nagsabi sa akin noon na magaganda ang mga mata ko, na guwapo ako ‘diba?” nanunudyo ang ngiti ng lalaki at lalo siyang nainis dahil doon. Umilap ang kaniyang mga mata sa sinabi nito. Siya ba ang nagsabi noon?

“Mangarap ka!” asik niya.

“Sinabi mo rin na walang panama sa’kin ang mga Hollywood actors na hinahangaan mo…”

“Ang yabang mo talaga!” Inihagis niya rito ang throw pillow na nasa upuan niya. Tinawanan lang niya ito.

“At sinabi mo rin higit sa lahat na…na…mahal mo ‘ko…” sa huling sinabi nito ay tila biglang nagiging seryoso ang tinig ng lalaki.

Inilang hakbang lang niya ang pabalik sa mesa nito at taas noo itong hinarap.

“Oo, natatandaan kong sinabi kong lahat ‘yan! Sinabi kong maganda ang mga mata mo…na higit kang magandang lalaki kaysa sa mga foreign artists na kilala ko! Na mahal kita! Sinabi kong lahat ‘yan! Natatandaan kong lahat ang mga ‘yan at inaamin ko…!”

Hindi niya napigil ang mapasigok sa huling sinabi. Malayang namalisbis ang mga luha sa kaniyang mga mata pero hindi niya iyon inalintana.

“…hindi gaya mo na walang alam! Wala kang natatandaan! Wala kang kasalanang inaamin! Sa pagitan nating dalawa, mas higit kang ulyanin, Agustin! Mas higit kang makakalimutin!”

May pagmamadaling tumalikod si Eure upang tapusin ang eksenang iyon. Mas nagtatagal ay tila kalamansi sa sugat ang nararamdaman niya sa tuwing makikita si Austin. Dapat ay noon pa niya ito ginawa. Dapat ay noon pa para hindi na nagkaroon ng pagkakataon ang lalaking muli siyang saktan – muling paasahin at paglaruan.

NAIWAN SIYANG nakatulala at nakamasid sa pinto. Kung bakit kasi kinakain siya ng pangamba sa tuwing makikita si Europa. Just the mere sight of the woman makes him uncomfortable – na tila ba siya isang teenager na nakakita ng ultimate crush.

Ang akala niya’y sa Japan na siya maninirahan. Nang sabihin ng amang kailangan niyang isalba ang mga negosyo sa Japan ay agad siyang sumunod dito. May usapan sila ng matandang Perez na gagawin niya ang gusto nito kung muli nitong sisikaping umuwi sa kanilang bahay at tuluyang makisamang muli sa kaniyang ina.

He dearly loved his mother and he would be willing to do anything and everything to make her happy. Nang makisama ang kaniyang papa kay Becky ay lagi nang nagkakasakit ang kaniyang ina. Sa simula ay sinubukan nitong sabayan ang ginagawa ng asawa. Ginawa nito ang mga bagay na kalimitan ay mga babaeng wala pang responsibilidad sa buhay ang gumagawa. Parties, ballroom dancing, gym sessions – lahat ng ‘yan ay naging bahagi ng buhay ng kaniyang mama. Pero sa huli ay sumuko na rin ito lalo pa at tuluyan nang hindi umuwi sa bahay si Ricardo.

At nang iyon ang hingin niyang kondisyon sa ama na agad naman nitong sinang – ayunan ay hindi na rin siya nagdalawang – isip pa. Mahalaga ang kaniyang ina kaysa ano pa mang bagay na pinahahalagahan niya.

Pero nagkamali siya. Maling – mali siya. Pagkatapos ng trabaho sa hapon ay walang ibang laman ang isip niya kundi ang kakaibang kagandahan ng kaniyang sekretarya. Kung noon ay may nadarama na siya rito, lalo pa iyong nag – ibayo nang malayo sa paningin niya ang dalaga.

Tinangka niya itong tawagan sa opisina subalit hindi nito minsan man sinagot ang kaniyang mga tawag. Hindi niya alam kung bakit ito nagagalit gayung maayos naman ang kanilang naging huling pag – uusap. Sayang nga lamang at hindi sila natuloy umuwi ng San Martin dahil nang tumawag siya roon ay natuklasan niyang naroon si Conrad at ang sekretarya nitong si Elmira.

Agad niyang ininporma si Eure na sa halip na sa San Martin ay sa San Sebastian na ito tumuloy kung saan naroon ang isa pang maliit nilang bahay bakasyunan. Pero hindi nga ito nakarating at ang sabi ni Romina na siyang nakasagot ng tawag ay naiwan nito ang cellphone at nagmamadaling sumakay sa kotse ng isang lalaking hindi nito nakilala. Wala na siyang panahon na bumalik ng Maynila dahil umagang – umaga ng susunod na araw ang lipad niya patungong Japan kaya naman hindi na siya nagkaroon ng pagkakataong makausap ang dalaga at linawin kung sinong lalaki ang sinamahan nito.

Gayunman ay hindi siya nagtanim ng hinanakit kay Europa. Bagaman masakit ay inisip na lamang niya na panahon na lang ang magsasabi kung sadya silang nakalaan ng dalaga para sa isa’t – isa. Kaya naman nang magbalik siya ay agad niyang ni – request sa ama na muling ipaubaya sa kaniya ang dalaga. Hindi naman niya naisip na magagalit ito.

Muli siyang napatingin sa pinto. Kaylalim ng buntong hininga na pinawalan niya upang alisin ang bigat na nasa dibdib. Muli niya sanang itutuon ang sarili sa mga kaharap na papeles nang humahangos na pumasok sa loob ng opisina si Tat.

“Sir! Aalis na po si Europa ngayong tanghali!”

Napatayo siya sa matinding pagkabigla.

“Ha? Paanong…’diba ang sabi mo ay sa Sabado pa niya balak umalis?” Iyon ang itinimbre ng kaibigan ni Eure sa kaniya sa telepono kaya naman walang pagmamadali ang kaniyang mga kilos.

Ang ibig niya ay huwag madaliin ang lahat. Ang plano niyang lihim na pakikipag – usap sa wedding planner na si Trixia ay naudlot dahil sa madalian nitong pagpunta ng Boracay pero nangako naman itong agad na babalik sa mismong araw ng Lingo.

“Iyon nga po ang sabi niya kagabi nang magkausap kami pero heto at kate – text lang na nakabili na daw po ng tiket ang kapatid niya.”

Si Tat ang nasa likod ng mga plano niya. Isang lingo bago siya nagbalik – trabaho ay inabangan niya si Tat minsan sa pag-uwi nito. Pero laking panghihinayang niya na wala naman pala itong masyadong nalalaman hinggil sa naunsyaming relasyon nila ni Europa. Ayon dito ay may sarili itong pinagkakaabalahan ng mga panahong iyon kaya hindi nito masagot ang mga tanong niya.

Kaya wala siyang nakuhang impormasyon sa dalaga kundi ang mga payo nitong hindi man niya matanggap sa simula ay ginawa na rin niya. Ang pagkikita nila sa Friday Night ay hindi pagkakataon lang. Ideya rin ni Tat iyon upang makuha ang reaksiyon ni Eure at lahat ng iyon ay matiyaga nitong inirereport sa kaniya. Maging ang oras ng pagpe – Facebook sa gabi at paboritong kulay ng pantulog ng dalaga ay itini – text nito. Iyon daw ay dahil sa iniisip nitong may pagtingin din sa kaniya si Eure at nais lamang nitong mapasaya ang kaibigan.

Si Shaider ay bahagi rin ng plano ni Tat. Ito rin ang nagbigay ng cellphone number at email address ng dalaga sa social network account nito. Pero si Shann ay hindi bahagi ng plano. Laking gulat niya nang sabihin ni Eure na may nobyo na ito at iyon ay walang iba kundi ang pinsan ni Bettina. Napanatag lang siya nang sabihin ni Tat na nagkataon lang ang lahat at hindi nito personal na kilala si Shann. Pero nang mapansin niyang tila nahuhulog ang loob ni Eure sa binata ay kinabahan na rin siya.

Isang malaking pagkakamali na pinayagan niyang akuin ni Shann ang katauhan ni Shaider. Ang bagay na iyon ay hindi na alam ni Tat. Personal niyang kinausap ang lalaki upang malaman niya ang totoong niloloob ni Eure. Nang bahagya man ay hindi ito nakitaan ng pagkabigo nang makita si Shann ay lalo nang umurong ang buntot niya. Iniwan niya ang eksena habang masayang nag – uusap si Shann at Eure.

“Sir! Kung hindi kayo kikilos ay tuluyan nang makakalabas ng building ang Europa ng buhay niyo! Baka sa mga oras na ito ay tapos na siyang magpaalam sa mga kasama namin at papalabas na ng…”

Hindi na nito natapos ang ibig pa nitong sabihin nang halos liparin ni Austin ang daan palabas sa sariling opisina.
Digg Google Bookmarks reddit Mixx StumbleUpon Technorati Yahoo! Buzz DesignFloat Delicious BlinkList Furl

3 comments: on "Sana Ngayong Pasko - Chapter 9"

Anonymous said...

Please delete all the stories posted in this site because these are owned by Tagalog Online Pocketbook. SANA NGAYONG PASKO is legally owned by CHAPTERS OF THE HEART PUBLISHING. If you will still block me and refuse to delete the said posts, the publishing house will have to sue you for violating copyright laws. Avoid issues and complications by deleting all the stories here that are not yours especially SNP. Thank you so much.

Yesha
SNP Author

Anonymous said...

Please delete all the stories posted in this site because these are owned by Tagalog Online Pocketbook. SANA NGAYONG PASKO is legally owned by CHAPTERS OF THE HEART PUBLISHING. If you will still block me and refuse to delete the said posts, the publishing house will have to sue you for violating copyright laws. Avoid issues and complications by deleting all the stories here that are not yours especially SNP. Thank you so much.

Yesha
SNP Author

Anonymous said...

Please delete all the stories posted in this site because these are owned by Tagalog Online Pocketbook. SANA NGAYONG PASKO is legally owned by CHAPTERS OF THE HEART PUBLISHING. If you will still block me and refuse to delete the said posts, the publishing house will have to sue you for violating copyright laws. Avoid issues and complications by deleting all the stories here that are not yours especially SNP. Thank you so much.

Yesha
SNP Author

Post a Comment