(Calla)
“GALIT KA PA?”
Napalingon si Marga sa kinaroroonan ng boses. Sumimangot siya nang makita ang dating kasintahan. Itinuon niya ulit ang atensyon sa malawak na lupain ng mga Camara. Nasa veranda siya’t nagpapahangin. Naisip niyang talunin iyon kanina para makatakas. Pero iwinaksi niya iyon sa isipan nang makita kung gaano kataas iyon. Wala sa plano niyang mag-abay nang naka-wheelchair. Nag-isip na lamang siya ng paraan kung papaano makukumbinsi si Justin na kailangan nila parehong umuwi na ng Manila. Pero masarap ang simoy ng hangin sa hacienda. Luntian ang buong paligid. Nakakawala ng stress. Gusto niyang manatili doon para makapag-isip dahil gulung-gulo pa rin ang isip niya. But not this way. And not for a month. And definitely not with Justin. Papaano ba siya makakapag-isip ng maayos kapag kasama niya ito?
“Kain na tayo.” yaya nito.
Umingos siya. “Hindi ako gutom.” sagot niya kahit kanina pa nagwawala ang sikmura niya.
Nakatayo itong nakaharap sa kanya. Hindi niya ito tiningnan at wala siyang balak pansinin ito. Baka sakaling iuwi siya nito kapag ipakita niyang hindi siya masaya sa nangyayari.
“Alright, I’m sorry,” mababang boses na sabi nito. “Hindi ko sinasadyang pagtaasan ka ng boses kanina. I’m sorry din kung nasaktan kita.”
Hindi niya ito pinansin. Naramdaman niya ang paglapit nito ngunit patay-malisya siyang walang naririnig, nakikita o nararamdaman. Sumandal ito sa veranda, may konting espasyo sa pagitan nila.
“Okay, I’m not sorry.” anito.
Nagsalubong ang kilay niya. Umingos siya’t pinangako sa sariling hindi magrereact sa anumang sasabihin nito.
“I’m completely mad with what you did, Margarette.” patuloy nito. “It’s very disappointing. How could you have so little respect of your own life?”
Kinagat niya ang pang-ibabang labi. At kahit ayaw niya’y natagpuan niya ang sariling sinasagot ang tanong nito.
“Don’t you dare accuse me! I told you-”
Hinarap siya nito. Tinitigan sa mga mata. “Ipaliwanag mo nga sa akin, Margarette nang maintindihan ko! Kung bakit tinangka mong lunurin ang sarili mo kagabi!”
“I did not try to kill myself,” aniyang nanginginig ang mga labi saka umiwas sa mga titig nito. “I just… I just did not want to b-breathe.”
“Bakit?” maang na tanong nito. Bumuka ulit ang labi nito ngunit walang anumang lumabas mula roon. Gumuhit ang pait sa mga mata nito saka tumango. “I get it.”
“It’s not what you think Justin. Ayokong pag-usapan natin ‘to.” galit na sagot niya.
Nagulat siya nang yakapin siya nito ng mahigpit. “I know I’m not the reason you’re breathing… No matter how I wanted to, I know I’m just not the one. I can accept that. Even if it’s so damn painful. But I can never accept to be the reason you’d stop breathing. I won’t be able to forgive myself, Margarette. I never will.”
Walang salitang namutawi sa labi ng dalaga. Hinayaan niyang yakapin siya ng dating kasintahan. Yumugyog ang balikat nito’t mas humigpit pa ang yakap. Hindi na niya napigilan ang paglaglag ng sariling luha.
Kung gaano sila katagal sa ganoong posisyon ay hindi niya alam. Nanatili itong nakayakap sa kanya na tila ba mawawala siya pag binitiwan nito. At nakasandal naman ang ulo niya sa dibdib nito.
“I’m sorry…” bulong niya.
Niyakap siya nito ng buong higpit bago niluwagan ang pagkakahawak sa kanya. Saka siya kinintalan ng masuyong halik sa noo.
“You really should be.”
Inirapan niya ito. “No forced kissing,” paalala niya.
Tumaas ang isang sulok ng labi nito. “By the time you’ll realize you really love me, you’ll regret this chance.” umiiling-iling na sabi nito.
Itinulak niya ito palayo. “Heh! Kahit kailan, ang kapal mo pa rin.”
“Kain na nga tayo,” anito sabay hila sa kanya. Nagpatianod siya. Kanina pa nagrereklamo ang bituka niya.
Pinakiramdaman niya ang palad ni Justin sa loob ng palad niya. Naramdaman niya ang bahagyang pagkislot ng puso. Ano ba talaga ang tunay niyang nararamdaman? Napabuga siya ng hininga. Sana…Sana matanto na ng puso niya kung ano ang tunay niyang nararamdaman. Kung awa ba o pagmamahal ang nadarama niya kay Justin. At kung matinding paghanga lang ba o pagmamahal na ang nadarama niya kay Henrik. Sana hindi na siya nalilito. At sana’y wala ng pusong masasaktan kapag nangyari iyon.
SA nakalipas na dalawang araw, nakita ni Marga ang pagpupursige ni Justin na manumbalik ang dating samahan nila. Kakaiba ang sigla nito. Noong una’y naiilang siya sa sweetness na ipinapakita nito. Limang taon din ang lumipas. Maraming nagbago sa kanila. Ngunit nang kalauna’y tila naging panatag ulit ang loob niya sa binata. Ngayon niya na-realize kung gaano niya na-miss ang dati nilang kulitan. Ngunit kahit nagbibiruan sila ngayo’y tila may harang pa rin sa pagitan nila. Alam niyang hindi na muling manunumbalik ang dating samahan nila at dahil iyon sa kaniya.
Nag-aalala siya sa naiwan nila sa Manila. Sigurado siyang nag-aalala na ng husto ang Uncle Renato at Auntie Edith niya, lalong-lalo na si Rhoda at Sara. Ulila na siyang lubos at ang kinikilala niyang pamilya niya’y ang pamilya ng bestfriend niya. Kaya higit pa sa tunay na kapatid ang turing niya kay Rhoda. Sinabi ni Justin na wala siyang dapat ipag-alala dahil alam ng mga ito na magkasama sila pero hindi pa rin siya mapalagay. Kung bakit naman kasi walang signal doon. Ilang beses siyang nagtangkang tumakas. Ngunit mahigpit ang pagbabantay ni Justin. At kahit pilitin niya pang tumakas, kakailanganin niyang lakarin ang 50 kilometro papuntang bayan dahil laging nasa bulsa nito ang susi ng sasakyan.
“Justin?” untag niya nang makitang malalim ang iniisip nito. Naglalakad sila sa paligid ng manggahan kagaya noong minsang bumisita sila rito. Ang kaibahan nga lang ay wala na ang mga tao roon. Sabi ni Justin ay may katiwalang naglilinis sa mansyon. Nagsi-alisan ang mga trabahador nang minsang makaranas ng matinding tagtuyot. At wala ng namahala pa sa haciendang iyon. Kaagad na napatingin sa kanya ang binata, nagtatanong ang mga mata. Inisip niyang mabuti ang sasabihin bago nagsalita. “Naalala mo yung sinabi mo sa akin dati nung una tayong magkakilala sa school?”
Sumilay ang ngiti sa labi nito’t napatango.
“Nakaganito ka o,” aniyang ginaya ang tayo nito na nakapameywang. “Tapos sabi mo, ‘Hoy! Umalis ka nga riyan at nakaharang ka sa daraanan ko.’”
Tumawa ito. “Para kang papel sa putla non.”
“Siyempre no. Ninerbyos kaya ako. Lahat nga ng tao sa school takot sa’yo. Pati teachers, ilag sa’yo. Ako pa kaya?”
“Pero hindi ka umalis. Hinarap mo ko’t tinarayan.”
“Siguro kung umalis ako non hindi mo ako mapapansin.” Napabuntong-hininga siya. “Siguro… hindi masasaling ang pride mo’t hindi mo ako liligawan. Hindi mo ako pipiliting maging girlfirend mo. Hindi ako mapipilitan. Hindi magiging tayo. At siguro, hindi natin nararanasan ‘to. Ang masaktan ng ganito…”
Umiwas ng tingin ang kaharap nang malaman kung ano ang tinutumbok niya. Nawala ang ngiti sa labi nito.
“Nagsisisi ka.” kumpirma nito.
Hindi, biglang sagot ng isang bahagi ng puso niya. Oo, anaman ng kabila. Napalunok siya. Ano ba talaga? “Kung matutuon ang isip ko sa kung paano kita nasasaktan ngayon, Oo, nagsisisi ako. Sana’y umiwas na lang ako para hindi tayo nagkakilala. Sana hindi na lang naging tayo. Eh di sana, okay ka ngayon. Okay tayo.Walang nasasaktan at walang nahihirapan.”
Natahimik ito. Saka napabuga ng hangin. “Wala akong pinagsisisihan. Maliban sa parteng naging masyado akong kampante’t hinayaan kong maging malapit ka kay Henrik.”
Nanginig siya sa pagkakabigkas nito sa pangalan ng pinsan nito. Ramdam niya ang hapdi sa puso nito.
“Hindi ka galit?”
Hindi ito sumagot, humugot ng malalim na hininga.
“Galit na galit?” aniyang tiningnan ito. Nang tingnan siya nito’y tila pasan nito ang mundo.
“Galit ako pero hindi ko alam kung para saan… kung para kanino. Kasi wala namang may kasalanan sa nangyayari sa atin. Pareho lang tayong nagmamahal… kaya pareho tayong nasasaktan.”
Gusto niyang yakapin si Justin sa pagkakataong iyon pero pinigilan niya ang sarili. Kailangan niyang magpakatatag. Kung gusto niyang mawala ang sakit na nararamdaman nito, kailangan niya itong tulungan na mawala ang pagmamahal nito sa kanya. Kahit pa sa loob-loob niya’y masasaktan siya kapag dumating ang araw na hindi na siya ang babaing minamahal nito.
“Hindi ako nababagay sa pagmamahal mo, Justin. Kaya mas makabubuting kalimutan mo na ako. Dahil kung patuloy mo akong mamahalin, patuloy kitang masasaktan”
“Ooops,” anitong inilapat ang daliri nito sa bibig niya. “May dalawampu’t siyam na araw pa ako. By the last day, you’ll realize it has been me you’ve been in love with.” Tila kumikinang ang mga mata nito sa pagkakasabi niyon.
“Seryoso ako, Justin. You should find someone who can’t hurt you. You should’ve done this a long time ago.”
Sumeryoso ulit ang mukha nito. “If that someone can’t hurt me, that only means I don’t love her. Talaga bang pinapahanap mo ako ng babaing hindi ko kayang mahalin?”
Napipilan siya. “Hindi sa gano’n… Pero bakit ka ba magtitiyagang masaktan? Can’t you see the real me? Kahit ako, ikinakahiya ko ang sarili ko. I’m not the same me anymore, Justin. Hindi na ako ang dating Margarette na minahal mo. Half of me is torned apart. I’m half-crazy. I don’t know which part. All I know is half of me is in love with you and the other is falling for Henrik. How can you manage to love a girl like that?”
“Nang ibigin kita, hindi ako humingi ng kapalit kundi pagkakataon. Kung kalahati lang ang kaya mong ibigay, kaya kong punan ang kalahati para maging buo yan. Mahal na mahal kita, Margarette. Kahit na paulit-ulit akong masaktan, basta nandiyan ka okay lang. Dahil sa tuwing kapiling kita’y hindi ko nararamdaman yung sakit. Masayang-masaya ako kapag ganitong magkasama tayo.” puno ng katapatang sabi nito.
Parang kinuyumos ang puso ni Marga sa narinig.
“Paano kung hilingin ko sa’yong umalis at huwag na akong gambalain pa?”
Nakita niya ang pait sa mga mata nito. “Kapag nawala na yung kalahati ng pagmamahal mo sa’kin, saka mo itanong yan… Dahil sa ngayon, wala akong nakikitang dahilan para iwanan ka.” Ginagap nito ang palad niya. “I’m fighting for ít.”
0 comments: on "Half Crazy – Chapter 7"
Post a Comment