SHARE THIS STORY

| More

Aien’s Romance - Chapter 08

(Nadinekyut)



KASALUKUYANG kumakain ng dinner si Aien kasama si Adley ng araw na iyon. Nasa bahay sila ni Aien. Gusto lumabas ni Adley pero nakiusap si Aien na doon na lang kumain dahil gusto niya ipagluto ang binata.

Halos nagsisimula pa lang sila sa pagkain nang magsalita ito. “Aien, samahan mo naman kami ni Allie na mamasyal. Kung okay lang sa ‘yo.”

Napaangat ng tingin si Aien. Nakatitig sa kanya si Adley, parang inaalam kung ano ang magiging reaksyon niya. Hindi niya muna tinuloy ang balak na pagsubo.

Nginitian niya ito ng bukal sa loob. “Sure honey, kailan?” walang gatol na sagot niya.

“Talaga? Sasamahan mo kami? Okay lang sa ‘yo?” Bakas ang tuwa sa mga mata nito.

“Oo naman. Gusto ko rin siyang makilala ‘no.”

“Great!” Kinantilan siya nito ng halik sa pisngi. “Kung kailan ka pwede. Ikaw na lang ang magsabi sa akin para hindi kami makaabala sa ‘yo.”

“Ano ka ba? Ikaw pa! Makakaabala sa akin? Never ‘no! Alam mo namang ikaw ang priority ko sa buhay,” nakangiting tugon niya.

“Kaya labs na labs kita eh, palagi mo ipinapaalam sa akin kung gaano ako kaespesyal sa ‘yo.” Malapad ang ngiti nito habang sinasabi iyon.

“Syempre!” Ginawaran din niya ito ng halik sa pisngi.

“So, kailan kaya pwede?” excited na tanong nito.

“Sa Wednesday, hindi ako papasok. Pwede bang buong araw nating kasama si Allie?”

“Oo naman! That’s great honey!” masayang sabi nito.
Ipinagpatuloy na nila ang pagkain pero hindi pa nagtatagal ay muli siyang napahinto sa pagsubo. Muling nagsalita ito at sa pagkakataong iyon ay seryoso na ang tinig at mukha nito.

“Ang bait-bait mo talaga honey. Kinakabahan ako kasi baka ayaw mo kay Allie. Maiintindihan ko naman kung maiilang ka sa kanya. Alam kong awkward para sa ‘yo na makasama o mapag-usapan man lang si Allie.”

Sumeryoso na rin siya “Matagal na nating napag-uusapan si Allie kapag magkasama tayo honey.” Hinawakan niya ang kamay nito. “Pero ni minsan ba, nakita mo akong nainis o nailang kapag binabanggit mo siya sa akin? Hindi naman ‘di ba?”

“Kaya nga naglakas na ako ng loob na yayain ka. Kasi gusto ko na mapalapit ka rin kay Allie. Gusto ko maging magkalapit ang dalawang taong mahalaga sa buhay ko. Ang mga taong mahal na mahal ko.”

Nginitian niya ito ng matamis. Pilit niyang itinago ang frustration dahil sa sinabi nito. Lalo kasing pinagdiinan nito na hindi siya makakahigit kay Allie pagdating sa puso nito. Ni hindi niya alam kung kaya niyang pantayan si Allie. Pakiramdam kasi niya, pakitangtao na lang nito ang pagpapakita sa kanya na kung gaano nito kamahal ay ganoon din siya nito kamahal.

Ipinagpatuloy nila ang pagkain. Tahimik lang ito at ipinagpapasalamat niya iyon. Hindi niya sigurado kung hanggang kailan niya maitatago dito ang sakit na nararamdaman niya. Hindi niya alam kung gaano siya kagaling magtago ng emosyon niya. Natatakot siyang ipakita dito na hindi siya masaya dahil baka mainis ito sa kanya at iwanan siya nito. Alam niyang hindi nito ipagpapalit si Allie sa kanya. Masakit pero wala siyang magagwa kundi tanggapin iyon.

Matapos kumain ay doon na nagpalipas ng gabi ang binata. Madalas na nitong gawin iyon mula ng may nangyari sa kanila kaya may iilang sariling gamit na ito sa kanyang silid. Komportable na ito sa bahay niya. Maging sa kanyang mga kasambahay ay komportable na itong makipaglokohan. Para na silang live-in. Pero umuuwi pa rin ito sa bahay ng parents nito kung saan nandoon si Allie at Dalia kapag may panahon ito. May kalayuan kasi ang bahay ng mga magulang nito mula sa opisina nito.

Pero syempre, ang nakakaalam lang ng halos pagtira ng binata sa bahay niya ay silang dalawa, mga katulong niya, assistant niya at iilang mga kaibigan nila. Hindi nila pinaaalam sa iba ang tungkol doon. Ang totoo ay talagang hindi nila nilalantad ng husto sa iba ang relasyon nila. Noong una ay gusto niyang panatilihing lihim ang kanilang ugnayan pero sigurado naman siyang nahahalata ng iba iyon dahil kapag magkasama sila ay sweet sila. Palagi dumadalaw ang binata sa opisina nila. Malalayo ang pagitan ng bahay sa magarang subdivision na tinitirahan niya pero malamang ay napapansin ito ng mga guard at kung sino-sino pa. Kaya nga hindi niya malaman kung papaanong, sa isang taon nilang relasyon ay naitago nila ang totoo mula sa ibang tao.

Ngayon ay marami na ang nakakaalam ng tungkol sa kanila. Pinanatili nitong lihim ang tungkol kay Dalia at Allie. Ayaw din naman ni Dalia ipangalantaran na may anak na ito. Ang sabi ni Adley, malamang ay inaalala ni Dalia ang imahe nito. Mataas ang pride ni Dalia kaya hindi nito maamin sa mga kakilala nito na may anak na ito pero hindi pa kasal at ayaw pakasalan ng lalaking nakabuntis dito kahit pa nakatira na ito sa bahay ng lalaking iyon.

Kaya nilihim din ni Dalia ang tungkol kay Allie. Iginalang naman ng mga magulang ng mga ito ang desisyon ng mga ito. Hindi binabanggit ng sino man ang tungkol kay Allie. Nananatiling kamag-anak at close friends lang ang nakakaalam ng tungkol kay Allie at pagtira ni Dalia sa bahay ng mga Evans.

Kaya hindi niya alam kung paano nalaman ng daddy niya ang totoo tungkol kay Adley. Sa bagay, close ito sa ama ni Adley dahil bukod sa sister company nila ang AEC ay matalik ding kaibigan nito si Mr. Evans. Kung hindi kasi paiimbistigahan si Adley ay hindi lalabas ang ganoong impormasyon maliban na lang kung talagang sabihin iyon ng mga nakakaalam.

Pabor sa kanya ang pagiging lihim ng tungkol kay Dalia at Allie. Pero ang pagkakaalam ng daddy niya tungkol doon ay isang malaking problema. Palagi sila nag-aaway at nagkakasagutan tungkol doon. Kahit hindi nagsasalita ang mommy niya, alam niyang hindi rin ito sang-ayon sa relasyon nila. Ang kuya at ate niya ay madalas siyang paringgan na ‘malandi’, ‘kerida’ o ‘kabit’ kapag nagkakasama-sama silang magpapamilya. Si Aiel naman, alam niyang kahit tatahi-tahimik ay may iniisip din na hindi maganda. Hindi nga lang niya sigurado kung sa kanya o kay Adley. Nang minsan kasing madulas ito ay may nasabi ito na “kasalanan ng sira ulong iyon” patungkol kay Adley.

“ANO pa ang gusto mo Allie?” tanong ni Aien sa isang taon at limang buwang bata.

Nasa isang amusement park sila. Kagagaling lang nila sa zoo kung saan enjoy na enjoy si Allie sa panonood ng mga hayop. Panay ang turo nito sa kung ano-anong hayop at tanong ng tanong. Bibong bata ito. Makulit at madaldal kahit bulol na bulol pa. Nakakatuwa itong kasama dahil kahit anong ibigay dito o kahit saan ito dalhin ay masaya ito.

“Mama Aien, gusto ko ice cream, saka french fries, saka coke.” Pabulol at mukhang hirap na hirap na binigkas iyon ni Allie. Sa katunayan, ang ‘mama Aien’ nito ay ‘mama Ayn’ ang tunog.

“Okay, daddy will buy us ice cream,” nakangiting tugon niya dito.

Nag-agat siya ng tingin mula sa pagkakayuko kay Allie. Nasa isang round table sila. Katabi niya si Allie habang si Adley ay nasa harap nila at prenteng-prente ang pagkakaupo. Pasipol-sipol pa ito habang nagmamasid sa paligid. Masayang-masaya din ito buong araw. Ito ang may hawak ng digicam na dala nila at kumukuha ng larawan nila. Minsan lang niya kinukuha iyon dito para kahit papaano ay makuhanan niya ng larawan ang mag-ama at hindi puso sila lang ni Allie.

“Honey, ibili mo kami ng ice cream. Samahan mo na ng siomai, siopao, softdrinks, spaghetti, french fries at fried chicken,” malambing na utos niya dito.

“Ako?” Tinuro pa nito ang sarili. “Bakit ako?” kunotnoong tanong nito.

“At bakit hindi ikaw? Magkekwentuhan kami ni Allie kaya ikaw na lang. Bilis! Gutom na kami!”

“Kwentuhan? Bakit? Naiintindihan mo ba ang sinasabi niyan? Ako nga hindi eh, ikaw pa kaya!” natatawang wika nito.

“Pwede ba? Huwag ka na makulit. Dali na! Gutom na kami eh.”

“Nakakahalata na talaga ako ha! Kanina n‘yo pa ako ginagawang yaya! Tagabitbit ng mga binili n‘yo, tagabili ng pagkain n‘yo at tagakuha ng picture n‘yo. Aba! Sumusobra na kayo!” kunwa’y pagrereklamo nito.

“Ang dami mo pang sasabihin, susunod ka rin naman. Sige na! Huwag ka na magdrama dahil hindi eepekto ‘yan! Alis na!” natatawa na ring turan niya dito.

Si Allie na busy sa paglalaro ng mga binili niyang laruan dito ay nag-angat ng tingin sa daddy nito. “Daddy, gutom na ako,” pabulol pa rin na wika nito. “Alis na!” panggagaya pa nito sa kanya.

Lalo siyang natawa. Natatawang tumalima na ito.

ALASINGKO ng gabi na sila nakauwi. Buong araw ay energetic si Allie pero nang makasakay sa kotse ay nakaramdam na ito ng pagod. Nakatulog ito bahang kalong niya sa backseat ng sasakyan. Ayaw nito mag-isa sa likod at hindi naman nila maaaring paupuin sa harap ito.

Habang kalong niya si Allie ay tinitigan niya ito. Kamukhang-kamukha ito ni Adley. Walang duda na ama nito ang kanyang nobyo. Lalo siyang nanibugho dahil sa naisip. Hindi nakapagtatakang mahalin ito ng lubusan ni Adley. Hindi lang nito kamukha ang bata, malambing pa dito si Allie. Palagi niyayakap ni Allie ang ama at sinasabihan ng ‘I love you’ ito.

Malamang na mas malapit si Allie kay Adley at sa magulang ng huli dahil ayon sa mga kwento ni Adley, bihirang bihira dalawin si Allie ng lolo at lola nito sa mother side. Hindi rin ito masyadong inaasikaso at inaalagaan ni Dalia dahil hindi umano ito marunong mag-alaga ng bata. Mas ipinapaubaya ng babae sa magulang ni Adley o sa katulong ng mga ito ang pag-aalaga kay Allie.

Naisip niya kung ano kayang klaseng ina at asawa si Dalia. Sa palagay niya ay hindi ito gaanong mabuti sa pamilya nito. Base sa mga kwento ni Adley sa kanya ay hindi close ang babae sa anak nito. Naisip niyang kawawa naman si Allie. Hindi ito gaanong nabibigyan ng oras ni Adley dahil nagtatrabaho ang binata at malayo-layo rin ang tinitirahan ng mga magulang ni Adley kung saan nandoon si Allie. Hindi rin ito gaanong inaasikaso ng ina nito base sa mga kwento ni Adley.

Mahilig umano magpunta sa mga party si Dalia. Ayon kay Adley, mula pa nang makilala nito ang babae ay talagang iresponsable at happy go lucky na ang huli. Wala umano itong pakialam kung may nasasagasaan ito at nasasaktan, basta ginagawa nito ang gustong gawin. Walang isinasaalang-alang ito sa buhay kundi ang sarili nitong kaligayahan. At hanggang sa mga sandaling iyon ay hindi pa rin nagbabago ang babae.

Naniniwala siyang malaking adjustment sa buhay ng tao ang pagkakaroon ng pamilya lalo na kung hindi expected iyon, gaya ng nangyari kila Adley. Pero hindi maganda na hindi man lang sinusubukan magbago ng isang tao para sa pamilya nito. Kung hindi ito mag-e-effort, walang mangyayari sa buhay nito. Sigurado siyang hindi habang-buhay na magtitiis si Adley at ang pamilya ng binata na pakisamahan ang babae kung hindi ito magbabago.

“Dito na muna kayo sa bahay mag-over night. Magpahinga ka na at iaakyat ko sa guest room si Allie,” wika niya kay Adley nang maihatid na siya nito.

“Okay. Ako na ang bubuhat kay Adley. Ikaw ang magpahinga na. Kinulit ka ng kinulit nitong bubwit na ‘to samantalang ako ay sunod lang ng sunod sa inyo. Siguradong mas pagod ka pa kaysa sa akin.”

Kinuha nito mula sa kanya si Allie. Hinayaan na niyang ito ang mag-asilkaso sa anak nito. Totoong pagod na siya pero hindi naman niya iniinda iyon dahil nag-enjoy siya sa lakad nila.

Nagtuloy siya sa kusina at nagtimpla ng hot choco. Ipinainom niya iyon kay Adley habang hinahanda niya ang pantulog nito. Marami na siyang gamit doon sa silid niya. Halos makitira na ito sa bahay niya. Hindi naman niya minamasa iyon, ikinatutuwa pa nga niya na komportable ito sa bahay niya at ganoon din siya sa unit nito.

Pinaghilamos niya ito habang siya naman ang umiinom ng mainit na chokolate. Matapos ito maghilamos ay siya naman ang naligo. Nagpatuyo siya ng buhok sa blower bago tumabi dito sa kama. Akala niya ay tulog na ito kaya bahagya pa siyang nagulat ng yumakap ito ng mahigpit sa kanya at humalik sa pisngi niya.

“I had a great time. Thanks sweetheart,” nakangiting wika nito sa kanya.

“I had a great time too. Allie is really such a lovable kid. Walang hindi magmamahal sa batang iyon.”

“Hindi ko alam kung paano ko pasasalamatan ang diyos dahil sa lahat ng magagandang biyaya niya sa akin. With you and Allie in my life, I can’t ask him for anything more.”

Kakatwa pero hindi tulad dati kapag nababanggit nito si Allie, hindi na awkward ang feeling niya. Hindi na siya nagseselos sa bata. Bukal na sa loob niya ang matamis na ngiting sumilay sa kanyang labi. Nawala na ang pakiramdam niya na hindi maganda kapag kinukumpara niya ang pagmamahal nito sa kanya at kay Allie. In fact, ikinahihiya niya ang ginagawa niyang iyon.

“I love him,” bigla niyang nasambit.

“And I thank you for that. Thanks Aiel, for loving my son.”
Digg Google Bookmarks reddit Mixx StumbleUpon Technorati Yahoo! Buzz DesignFloat Delicious BlinkList Furl

0 comments: on "Aien’s Romance - Chapter 08"

Post a Comment