(Calla)
“AND WHAT ARE WE EXACTLY GONNA DO THERE?” aniyang hindi napigilan ang pagtaas ng kilay.
“My surprise is there!” anito sabay tawa tila kinikilig. Tinitigan niya ang kaibigan. She smells something fishy. Really really fishy.
Lalong tumaas ang kilay niya nang abutan siya ng make-up kit nito.
“Baka gusto mong mag-retouch,” anitong ngumisi. Hindi siya gumalaw. Nanatiling nakatitig sa kaharap. “Ano?” pinandilatan siya nito.
“I just have this feeling…” aniyang tinitigan ng matiim ang kaibigan.
“Me, too.” anitong tumango-tango. “I got a feeling… that today’s gonna be a good day!” saka tumawa at nanunudyong tiningnan siya.
Pina-ikot niya ang mga mata. Kilala niya si Rhoda. Mas lalo itong manunudyo kapag lalo mong kinukulit. Asar-talo. Padabog niyang kinuha ang make-up nito. Napilitan siyang magretouch. May kakaibang kutob talaga siya.
Ano’ng sorpresa ba ang naghihintay sa kanya? Nakita niya ang pag-iling-iling ng driver. Bigla’y nakadama siya ng panlalamig ng kamay at paa. Not a good sign. She swears, sabunot ang aabutin ng kaibigan kapag inatake siya sa puso.
Ilang sandali pa’y huminto na ang sasakyan. Akmang bubuksan niya ang pintuan nang pigilan siya si Rhoda.
“We’ll wait for your surprise here,” anitong kumindat.
“So, marunong maglakad ang surprise, ganun?”
May sasabihin pa sana siya nang biglang bumukas ang pintuan sa front seat saka lumulan ang binatang pamilyar ang bulto sa kanya.
“Hello, ladies,” anito nang maupo saka nakangiting nilingon sila. Tila nakain ni Marga ang sariling dila. “Hey, bro,” bati naman nito sa driver. Nag bump knuckles pa ang mga ito. Pakiramdam ni Marga’y namumutla na siya. Napahawak siya bigla sa seatbelt. Gusto niyang lumabas sa sasakyan na iyon at tumakbo palayo. Ngunit ilang sandali pa’y umandar ulit ang sasakyan.
“Ang guwapo mo pa rin Justin!” narinig niyang sabi ni Rhoda. Tumawa naman si Justin. Nag-joke ito kay Rhoda at panay ang tawa ng kaibigan ngunit hindi niya maunawaan ang pinag-uusapan ng mga ito. Nabibingi siya sa tibok ng puso.
“How are you, Margarette?” ani Justin na titig na titig sa kanya. “It’s been a while.”
Siniko siya ni Rhoda. Saka lang niya natagpuan ang sariling boses. Napatikhim siya.
“I’m fine,” aniyang pilit ngumiti. Alam niyang nanginginig ang labi niya. “I’m fine.” ulit niya. Tila pilit kinukumbinsi ang sariling okay talaga siya.
“You look…” nag-isip muna ito bago nagsalita. “sick. Are you sure you’re okay?”
Alam niyang namumutla na siya ng husto dahil puting-puti na pati ang dulo ng kuko niya. Mabilis na kinurot niya ang magkabilang pisngi para magkakulay iyon. Pakiramdam niya’y nanlalamig na ang buong katawan. Matalim niyang tinitigan ang kaibigan. Pinaliit naman nito ang mata saka muling nanunudyo ang tingin.
“Yes, I’m okay,” aniyang pinilit maging normal ang boses. “How have you been?” tanong niya at lihim na sinulyapan ang binatang nagmamaneho. Si Henrik. Ang pinsang buo ni Justin. Tila nakangiti ito habang nakikinig sa usapan.
“I’m doing well,” anitong lumamlam ang mga mata. “Still missing you, I guess.” Napalunok siya. Palihim niyang kinurot si Rhoda ng pinung-pino.
“Ayyyy!” tili ng kaibigan. “Ibaba mo na nga ang dalawang ito Henrik,” anito sa binatang nagmamaneho.
Tumaas ang kilay niya. Ilang saglit pa’y huminto sila sa isang seafood restaurant.
“This is my surprise for you, sis.” ani Rhoda saka niyakap siya. “Enjoy yourselves well!”
Ngumiti siya. Pakiramdam niya’y tabingi ang ngiting iyon.
“No, you’re not serious, right? Sabay na tayong kumain.” aniya sabay hila kay Rhoda. Hindi pa siya handang makipag-usap kay Justin. Ngunit ngumisi lang ang kaibigan. Tiningnan niya ito ng masama. Talagang makakatanggap ito ng pinung-pinong kurot sa singit mamaya. .
“We actually have another reservation, sis. We’re going to meet Fred there.” anito na tinutukoy ang mapapangasawa na kapatid ni Henrik.
Wala siyang nagawa kundi ang bumaba kasama si Justin. Kumaway si Rhoda sa kanilang dalawa. Umingos siya rito. Pakiramdam niya’y itinulak siya ng kaibigan sa bangin. Ayaw man niya’y tinapunan niya ng tingin ang binatang nagmamaneho, lihim na umaasang tapunan siya ng tingin nito ngunit itinaas lang nito ang kamay saka pinatakbo na ang sasakyan.
Iginiya siya ni Justin sa loob ng restaurant. Nang dumikit ang kamay nito sa siko niya’y mabilis na dumaloy ang alaala. At sa mga puntong iyon, ramdam niyang nginangatngat ulit ng guilt ang dibdib.
Hinayaan niyang si Justin na ang mag-order. Napatingin siya sa kaharap habang nakikipag-usap ito sa waiter. Tila wala pa ring pinagbago ang dating kasintahan. Ganoon pa rin ang ayos ng buhok nito. Magulo. May hikaw na bungo pa rin ito sa kaliwang tainga. Suot pa rin nito ang kuwintas na may pendant na bungo din. Mas malaki nga lang ang pangangatawan nito ngayon at mas tumangkad pa ito. At bagamat naka-pormal na polo ito’y gasgas na maong ang ipinareha nito. Nang sinulyapan siya nito’y kaagad niyang ibinaling ang tingin sa dagat.
“So…” anito habang hinihintay ang order nila. “What’s up?”
Nagkibit-balikat siya. “Not much.”
“I heard from Rhoda that you’re doing pretty good in designing houses. Big time ka na raw.”
Ngumiti siya. “Not really… I just love my work.” Nang maghiwalay sila ni Justin limang taon nang nakaraan, kaagad siyang natanggap sa Finn Builders. Isa sa pinakmalaki at pinakasikat na firms ng bansa. At doon niya mas nahasa ang talento sa pagdidisenyo ng bahay at gusali. They are the group of engineers and architects who are famous for every project they accomplish.
“Kaya pala gumaganda ka ngayon,” pasimpleng saad nito.
Lihim niyang idinalangin na sana’y hindi niya marinig mula rito ang mga katagang ayaw na niyang marinig. Umiwas siya ng tingin nang mapansing nakatitig ito ng husto sa kanya.
“Margarette…” alumpihit ito. Bumuka ang labi pero walang nanulas mula roon.
Please don’t say anything, anang isip niya. Nadagdagan ang nerbiyos niya sa ikinikilos ng binata. Gusto niyang marinig buhat dito na mas masaya ito ngayon, na mas naging matatag ito, na mas naging maayos ang buhay nito matapos niyang tanggihan ang alok nito.
“I know this will sound crazy but…” anitong tila hindi mapakali. Pagkuwa’y kinuha nito ang mga kamay niya.
Please don’t say it, lihim na dalangin niya.
“But…” Humugot ito ng malalim na hininga at muli siyang tinitigan sa mata. “the proposal… It’s still here. I still want to marry you.”
Dagli niyang binawi ang mga kamay na tila napaso. Nakita niya ang pagguhit ng sakit sa mga mata nito. She knew she did it again. She is breaking his heart again.
Walang sinumang umimik sa kanila. Nagpasalamat siya nang dumating ang waiter dala ang order nila. Tahimik silang kumain. Bagamat alam niyang nasasaktan ang binata’y inasikaso pa rin siya nito. Hinimayan siya nito ng paborito niyang alimango. Kulang na lang ay subuan siya nito.
Justin is so sweet. Malambing at maaalalahanin. At maraming beses na niyang napatunayan kung gaano siya nito kamahal. Ngunit hindi niya ito magawang mahalin kagaya ng pagmamahal nito sa kanya. Hindi niya maatim na magpakasal rito dahil alam niyang hindi iyon nararapat. Masasaktan lang silang pareho.
“It’s alright,” biglang sabi nito.
Napatingin siya rito bigla. Hindi niya natuloy ang pagsubo.
“I mean, I’m fine.” anito at hinawakan ang kutsara niya’t itinuloy ang pagsubo. Bahagya pa nitong pinahid ang gilid ng labi niya. Bigla’y humapdi ang mga mata niya. How could she hurt a man like him?
“But, I need a reason…” Ilang beses itong kumurap-kurap. Tila hindi alam kung ano ang susunod na sasabihin. “It should be more than you not being ready, right?” Tumaas-baba ang adam’s apple nito. “Tell me, are you in love with somebody else?”
Pinilit niyang nilunok ang pagkaing hindi na niya malasahan. Napatingin siya sa mukha ng kaharap. She knew he’s about to cry. Kilala na niya ang binata. Gusto niyang parusahan ang sarili nang mga sandaling iyon. Noong una niyang tinanggihan ang alok nitong kasal, halos araw-araw itong naglasing. Ilang beses itong lumuhod at nagmakaawa sa kanya pero hindi niya magawang umoo dito. Sinabi niyang hindi pa siya handa. Sabi nito’y hihintayin siya nito hanggang maging handa siya. Ngunit alam niya sa sariling kahit kailan ay hindi siya magiging handa. Kaya hiniwalayan niya ito ng tuluyan. Dahil hindi na ito ang nagmamay-ari ng puso niya…
“There’s somebody else, right?” ulit nito.
Napipilan siya. Papaano ba niya maipapaliwanag kay Justin ang totoong dahilan ng pagtanggi niya rito? Papaano ba niya ipapaliwanag na simula nang makilala niya ang pinsan nito’y naging magulo na ang takbo ng isip niya’t naging balisa ang puso? Papaano niya sasabihing si Henrik ang dahilan kaya nasasaktan ito ngayon?
Kagaya ng dati, pinili niyang tumahimik.
“Naiintindihan ko,” malungkot na sabi nito’t mahinang pinisil ang kamay niya. “I’m sorry,” halos bulong na sabi nito.
Kinagat niya ang pang-ibabang labi. Kung may tao sa mundo na pinakakasuklam-suklam sa mga sandaling iyon, siya iyon.
Nang muling magsalita ang binata’y nagkuwento ito ng buhay nito sa New York. Kita niya ang pagpipilit nitong maging masaya sa harapan niya. Ang pagpipilit nitong mawala ang katahimikan sa pagitan nila. Natagpuan niya ang sariling tumatawa sa mga hirit nito. Tumatawa din ito. Saka niya naalala na parang sila noon… Noong hindi pa niya nakilala si Henrik.
Ngayon, habang minamasdan niya ang pagtawa ng kaharap ay iba ang nakikita niya. Hindi na iyon ang dating tawa ng Justin na kilala niya. Naaaninag niya sa mga mata nito ang lungkot at sakit na walang ibang may kagagawan kundi siya.
Kung sana’y magagawa lang niyang ibaling ang pagmamahal niya rito nang sa gayon ay wala ng masaktan. Dahil kung gaano kasakit para kay Justin ang mahalin siya, ganun din ang sakit na naramdaman niya nang mahalin niya si Henrik.
Akala niya’y magiging okay na siya pagkalipas ng ilang taon… Ngunit ganoon pa rin. Sa muling pag-abot ng landas nila ni Henrik, ganoon pa rin ang nararamdaman niya rito. Ngunit hindi niya kailanman maatim na sabihin dito ang nararamdaman. Dahil mas masasaktan siya kapag nasaktan ng husto si Justin. Mawawasak siya kapag nangyaring mawasak ang magandang pagsasamahan ng mga ito dahil lang sa maling pag-ibig na nararamdaman niya.
She’s been through this before. And she did well over the past five years. Does she have to go through all this again? Hanggang kailan niya tatakasan ang sitwasyong noon pa niya pinipilit kalimutan?
Continuation by Calla Lilly
Original Story by Louise
0 comments: on "Half Crazy – Chapter 2"
Post a Comment