(Blue)
”Kuya Will ano bang gagawin natin sa ilog? Akala ko ba manonood tayo ng sine?” ani Ikay. Hinihingal na siya. Malayo at pataas pa ngayon ang nilalakad nila bago sila makarating sa paboritong lugar ng lalaking kanina pa siya akay sa paglalakad. ”Wala ka sigurong pera ano? Ang lakas ng loob mong magyaya wala ka naman pala pera.”
”Meron akong pera, kaya lang naisip ko manonood naman tayo ng mga barkada sa Sunday at same movie din naman ang panonoorin natin so bakit pa tayo manonood? Mas masarap d’on sa ilog. Presko ang hangin at naisip ko rin na makakatulong din ang lugar na ’yon para makapag-isip ka ng bago mong kwento.”mahabang paliwanag nito. Hindi man lang ito hinihingal sa paglalakad.
”Eh aantukin lang ako d’on eh. Teka muna, hinihingal na ko eh. Stop muna tayo.” Kumalas siya sa hawak nito at naupo sa batuhan. ”Ayoko talaga ng malayong lakarin.”
”Ang taba mo kasi kaya madali kang hingalin.”nangingiti nitong sabi. Nagbukas ng basket at kinuha ang boteng may laman na tubig. Binuksan bago ibinigay sa kaniya. ”Uminom ka muna.”
”Salamat ah.” nakairap niyang sabi. Bago uminom.
”Sungit!” natatawang kinuha agad ang bote ng mangalahati iyon. ”Akin na ’to. Mawawalan na tayo ng tubig mamaya niyan eh.”
”Kuya Will, nauuhaw pa ’ko.”
”Halika na. Mamaya kana ulit uminom pagdating natin sa ilog.” hinila na siya nito patayo.
”Wow!”bulalas niya. Kitang-kita niya ang pagdaloy ng waterfalls mula sa itaas hanggang sa ibaba. Parang gusto niyang maligo. May mga halamang nakapalibot sa mga batuhan at tila sinadya ang mga pinagdikit-dikit na bato para gawin daan sa kabila. Hinipo niya ang halaman na makahiya at parang si Erin na biglang tumiklop ang mga dahon dahil sa hiya. Napahagikgik siya. Maganda pala talaga ang lugar na ito.”Ang ganda dito Kuya Will. Pa’no mo nalaman ang lugar na ito?”
Naupo sa blanket na inilapag sa batuhan si Will bago sumagot.”Maliit pa lang ako alam ko na ang lugar na ito. Aksidente kong nalaman na may ilog pala nung minsan naligaw ako sa may La Trinidad. Pwede ka nang dumaan dito paakyat sa mga batuhan na ‘yon sa kabila papunta sa La Trinidad.” Itinuro nito ang kabilang daan na may paakyat sa gubat na papunta sa subdivision. “Kaya lang eh medyo delikado na dumaan dahil sa matatalim na bato. Dito rin ako sinagot dati ni Cathy. Doon sa ilalim ng waterfalls.” mahabang paliwanag nito. Inilabas ang kakainin nila.
Napasimangot siya. ”Hindi ko tinatanong ang Cathy mo.” inirapan niya ito bago naupo sa blanket. ”Ano bang mga dala mong pagkain? Nagugutom na ’ko eh.” tumingin sa loob ng basket.
”Kakakain mo palang gutom ka na agad.” natatawang sabi nito.
”Ang haba kaya ng nilakad natin?” kinuha sa basket ang apple bago kinagatan. ”Yummy!”
Natatawa lang si Will sa kaniya. Hinayaan lang siyang kainin ang apple.
”Kuya Will, kamusta na nga pala kayo ni Cathy? Hindi ba dapat nakauwi na siya galing japan?” wala siyang maikwento ngayon dito kaya nagtanong na lamang siya. Gusto rin naman niya malaman kung ano na ba ang nangyari sa girlfriend nito na nagpunta ng japan para doon magtrabaho.
”Hindi ko alam. Pero ang sabi niya ay uuwi siya. Ang huling pag-uusap namin ay nung nakaraang buwan pa.”
”Ang hirap siguro malayo ka sa minamahal mo ’no? I mean, hindi mo ba siya namimiss Kuya Will?”
Hindi kumibo si Will. Kinuha niya ang plato ni Ikay at nilagyan ng mga prutas. Nami-miss nga ba niya si Cathy? Simula ng umalis ito hindi man lang siya nakaramdam ng lungkot. Masaya siya kahit na wala ito sa tabi niya. At alam naman niya ang dahilan kung bakit hindi siya nalulungkot. Tumingin siya kay Ikay na kumakain ng manggang may bagoong.
”Kuya Will kain ka na.”Yaya nito bago siya binigyan ng mangga sa plato nito. ”Ang sarap talaga nito.”
Tumango lamang siya. Hindi niya gustong ialis ang paningin sa dalagita.
”Kuya Will, naalala mo ba yung una tayong nagkakilala nina Bossing?”
Nakangiti siyang tumango. Hindi niya malilimutan iyon. Iyon ang araw na nagbago siya dahil nakilala niya ito.
”Nakakatawa kasi ako lang yung babae d’on sa guidance office. Tapos tatlo kayong nakaupo kaharap ko na parang mga three stoogies. Kulang na lang magbatukan kayo d’on.”
”Ang sungit mo nga n’on nang-aamba ka pa ng suntok.”
Nagkatawanan sila. ”Seriously Kuya Will, bakit kayo napa-guidance n’on?”
”Dahil iyon kay Cathy. Nakipag-away ako dahil sa dati niyang karelasyon. Hindi na kasi gusto pa ni Cathy d’on sa lalaking iyon kaya hiniwalayan niya. Kaya lang ay ayaw pumayag nung lalaki kahit na girlfriend ko na si Cathy kaya ayun…sumugod naman sina Reed kaya tatlo kami nina Reed at Arciaga na napa-guidance.”
”Eh pa’no yung lalaking nanghamon sa inyo ng away?”
Nagkibit balikat siya.”Hindi siya napasama dahil kamag-anak siya ng mayor natin kaya malakas siya sa school.”
”That’s unfair!” sigaw nito. Hinawi nito ang buhok na tumatabing sa mukha dahil sa lakas ng hangin.
”Kaya nga nagtayo ng org si Reed dahil gusto niyang ipaglaban ang karapatan niya bilang estudyante sa school.”
”Dapat lang.” Sang-ayon ng dalagita. Napayakap siya sa mga braso niya. Bigla yatang lumamig.”Kuya Will, patabi ako. Nilalamig ako eh.”
Tumayo siya at naupo sa tabi nito. Ikinawit ang isang braso sa kaliwang braso nito. Hindi na nakatanggi si Will. Gusto rin naman nito iyon.
Inihilig ni Ikay ang ulo sa balikat ni Will bago ipinikit ang mga mata. Panatag siya kapag ito ang kasama niya. Hindi siya nakakaramdam man lang ng kahit na anong lungkot kapag kasama niya ito.
”Kuya Will salamat.”
”Saan?”mahina halos bulong nitong tanong.
”Sa lahat ng ginagawa mo para sa akin. Alam ko minsan nagsasawa ka na sa kakaintindi sa akin. Pero huwag mo kong iiwan ha? kasi hindi ko kaya kung mawawala ka sa akin, Kuya Will. Sana ikaw na lang ang totoong kuya ko at sana kayong dalawa na lang ni Erin ang naging kapatid ko.”
Nagbuntong hininga si Will. Hindi naman siya sang-ayon d’on. Hindi siya pwedeng maging kapatid nito. meron bang kapatid na gustong hagkan ang mga labi nito?
”Kuya Will, mahal ko talaga si Marc. Hindi ko na kayang itago pa ang nararamdaman ko sa kaniya. Gustong-gusto ko ng sabihin sa kaniya at kay Erin ang nararamdaman ko. Ayokong saktan si Erin. Anong gagawin ko?” nagpahid ng luhang umalpas sa mga mata.
”Tutulungan kitang makalimutan mo si Marc sa kahit na anong paraan okay? so wag ka ng umiyak. Nagiging madrama ang date natin eh.” natatawa niyang biro dito bago ginusot ang buhok nito.
Tinabig nito ang kamay niya at kinurot siya sa braso. Akma niya itong yayakapin ng tumayo ito at tumakbo paiwas sa kaniya. Nang malayo na sa kaniya ay humarap ito.
“Tayaan tayo Kuya Will! Ang matalo manlilibre ng ice cream!” sigaw nito sa kaniya.
Humagalpak siya ng tawa. Sabay tayo at hinabol ang dalagitang mabilis na tumatakbo papunta sa sa may waterfalls.
0 comments: on "All I Need by Erin - Chapter 5"
Post a Comment