(Blue)
Naiinis na padaskol na naupo sa oval bench si Ikay at nakangusong tumingin kay Erin na napatigil sa pagbabasa ng sinusulat niya.
“Sinusundo na naman niya si Kuya Will.” Tinutukoy niya ang girlfriend ni Kuya Will. Hindi na siya dumiretso sa canteen dahil sa labas palang kitang-kita na niya kung paano makapulupot ang Cathy na iyon sa braso ni Kuya Will. Naiinis talaga siya sa kaartehan ng babaing iyon.
“Sino?” nsgtatakang tanong ni Erin. Inilagay sa bag ang notebook at nakangiting bumaling sa kaniya. “Si Cathy ba?”
Tumango siya. Hinila nito ang buhok niya. “Aray!”
“Iyan dapat ang sa’yo. Alam mo best nung isang linggo ka pa. Anong problema kung sweet yung dalawa sa isa’t-isa? Mag-boyfriend naman sila. At saka it’s four o’ clock kaya pwede na pumasok ang may mga sundo ‘no!”
“Alam ko. Naartehan lang ako sa babaing iyon. Wala ng ginawa kung hindi…William, honey.. William, honey..nakakarindi kaya.” patirik-tirik pa ang mga mata niya sabay ingos.
Natatawa siyang binatukan nito. Muntik na siyang masubsob sa maalikabok na semento. “Aray! best nakakarami kana ha.”
“Eh paanong hindi kita babatukan, daig mo pang girlfriend beside him kung makapagreact ka. Hayaan mo siya, wala ka naman magagawa eh. At saka minsan lang naman magkita ang dalawang iyon kaya pagbigyan mo na.”
Natahimik siya. Bakit nga kaya ganito na lang siya makapagreact sa mga nangyayari? dapat nga matuwa siya dahil masaya na ulit si Kuya Will dahil nandito na si Cathy. Pero bakit iba ang nararamdaman niya? She feels terrible at kung hindi niya pipigilan ang sarili ay baka bumulalas siya ng iyak.
Siniko siya ni Erin. ” Ano bang nangyayari sa’yo?”
Umiling siya. “Wala, naiinis lang talaga ako kay Cathy.”
“Okay. Sabi mo eh.” anito at kinuha muli ang story niya. “Ikay, nga pala, may napansin akong kakaiba dito sa sinusulat mo.”
” Ano?” napatingin din siya sa notebook niya. Napangiwi siya ng makita ang sulat niyang parang kinahig ng manok. Pwedeng-pwede siyang maging doctor sa hand writing niya. Buti nababasa pa ng Best niya.
“Lahat ng heroes mo, kung i-describe mo, magaganda ang mga mata at katulad na katulad ng mga mata ni Kuya Will.”
“Talaga? patingin nga?” kinuha niya sa mga kamay ni Erin ang notebook at binasa ang part na idinidescribe ng girl ang man of her dream nito. Napaawang bibig niya. Totoo nga! hindi lang mga mata ni Kuya Will, pati na rin ang pag-uugali nito.
“Nagkataon lang iyan!” mariin niyang sagot. Tila may kung anong sumuntok sa tiyan niya. Kinabahan siya.
“Pwede ba iyon? nabasa ko na lahat ng stories mo ‘no! at lahat iyon parang si Kuya Will. Sinadya mo iyon! kasi inlove ka sa kaniya, hindi mo lang maamin.” nanunukso ang mga tingin at ngiti ni Erin.
“Pwede ba Erin, Ayan ka na naman eh. Ilang beses ko bang sasabihin sa’yo na kapatid ko lang si Kuya Will?” naiirita na siya. Kahit sa puso niya asar na siya! kung anu-ano na kasi ang sinasabi.
“Best hindi na iyon ang nakikita ko. Of course nung una gan’on nga ang pagtingin mo, pero lately napapansin ko ha, iba mo na siya tingnan, yung tingin na parang naghuhugis puso na ang mga mata mo at para ka ng nangangarap ng gising. Best alam mo kung ano tawag diyan sa ikinikilos mo. You’re inlove with Kuya Will. Mahal mo na ang fake brother mo.”
Tila naman gustong kumawala ng puso niya sa narinig. Sumasang-ayon at nagsirku-sirko pa. Naiinis siyang tumayo. “Diyan ka na nga!”
Hindi siya agad nakaalis dahil dumating si Jennifer na nag-iiiyak. “Girls, i-recycle n’yo ako ulit! I’m dying inside talaga. My boyfriend dumped me again!”
Napabuntong hininga si Ikay. Kailan ba matututo ang mga kaibigan niya?
“It’s okay, Jen. Marami pa naman diyan eh. You have a big heart ‘di ba? kasya pa ang sampung lalaki diyan.” nakangiting pagpapatawa ni Erin.
Pero siya, hindi mangiti. Sarap sabunutan ng friend niya. “Alam mo kasi Jen, pumayag ka kasi sa set-up ninyo na hanggang September lang kayo. October na honey, so tapos na kayo.” ginaya pa niya ang maarteng si Cathy. Bakit ba nakakaasar ang araw na ito?
“Kasi hindi ko naman akalain na maiinlove ako sa kaniya eh.” nagpahid pa ng luha at humikbi. “Ang sakit sakit talaga girls.”
“Anong plano mo ngayon?” tanong ni Erin.
“Hindi ko alam, sawa na kong magmahal. Lahat na lang iniiwan ako. Nakakainis talaga ang love na ‘yan!” naupo ito sa oval bench at umiyak ng umiyak.
Naghikab siya. “Inaantok ako. Yung masaya naman ang ikwento mo.”
“Best ano ka ba? kita mo na ngang broken hearted na si Jen, inaasar mo pa.” saway ni Erin.
“Ang seryoso niyo naman kasi eh. Hay naku Erin! ganyan naman talaga yang babaing ‘yan eh. Tingnan mo bukas inlove na ulit yan.”
“Ano ka ba?!” pinandilatan na siya ng best niya.
Naiinis na napakamot siya sa ulo. Ano ba kasing klaseng puso meron si Jen at kung bakit hindi matuto-tuto, palagi na lang umiiyak dahil sa lalaki, ayaw na raw pero kinabukasan naman inlove na naman ulit. ” Alam mo kasi Jen, para kang gumawa ng katangahan…” Napahinto siya ng titigan siya ni Erin. Napabuntong hininga siya. Hindi talaga siya pwedeng magsalita ng bad words sa harapan nito. “…Ang ibig kong sabihin, drastic move iyon. padalos dalos ka por que gwapo si Joshua. Yung mga lalaking ganun naglalaro lang iyon sa relasyon at sad to say, sumang-ayon ka at nakipaglaro ka naman. Mahilig ka kasing pumasok sa alanganin eh, Kaya ayan ang napala mo. Tapos ngayon hahabol-habol ka. Huwag mong sisihin ang love at huwag mong sabihin nakakasawa magmahal. Its time na ipahinga mo muna iyang puso mo o bahala ka na kung ano gusto mo gawin.”
Naiiling siyang naupo na rin sa bench. ang haba na ng litanya niya. Sana naman naintindihan ng katabi niya. Naku! duda siya! pasok sa isa labas sa kabila tenga itong si Jen. Hindi marunong makinig.
“Girls!” Si Janice at nagmamadaling maglakad papunta sa direksyon nila.
“Ano ka ba naman, Nice. Daig mo pa ang Wing commander kung sumigaw.” naiirita niyang sabi. Ang daling mag-init ng ulo niya ngayon.
“Eh kasi naman girls, inlove na naman ako ngayon eh!” excited na sagot nito. At namimilipit sa kilig. ” Grabe mga girls! ang cute cute talaga niya. Ang cute ng dimples niya. Grabe kinikilig na ako!” at sinabayan pa ng tili.
Gusto niyang sumigaw! This is her worst day ever! Hindi siya makarelate sa topic at lalo lang nagpapagulo ang mga ito sa isip niya.
“Kanino ka naman inlove?” kinikilig din na tanong ni Erin.
“Eh ‘di kay Michael!”
Muntik na siyang mapasubsob sa semento sa gulat. Nawindang ang whole body niya! Inlove ito sa Campus hearthrob!
“Bruha! ang taas ng pangarap mo ha!”
Umingos ito. “Paki mo ba! Eh sa nadeveloped ako sa kaniya eh.”
“Ano ka film? Halika nga rito at maiuntog ka sa puno ng acasia.” lumapit siya rito at akmang sasabunutan si Janice ng mahinto dahil sa natanaw na eksena.
Si Kuya Will, Ka-holding hands si Cathy. Habang nagtatawanan ang mga barkada niyang lalaki. Naglalakad ang mga ito papunta sa covered court.
Kumirot yata ang puso niya sa nakikita. Hindi na niya napansin ang ginawang pag-iwas ni Janice sa kaniya at sa pag-upo nito sa oval cemented bench.
“Paano ka naman nadeveloped kay Michael ha?” natatawang tanong ni Erin kay Nice.
“Ewan ko ba! Basta sa tuwing nagkakalapit kami, iba na ang nararamdaman ko.” kinikilig din na sagot nito.
Napatingin siya kay Nice. “Yung bang pakiramdam na tila may kuryente sa katawan mo kapag napapadikit ka sa kaniya?”
“Yeah at saka-”
“Na parang may lumilipad na paruparo sa tiyan mo at parang hindi ka mapakali kapag nasa tabi mo siya?” putol niya sa sasabihin nito. “Yun bang nasasaktan ka kapag nakikita mong may kasama siyang iba?”
Tumango ito ng sunud-sunod.
“MODEL Platoon humanay na!” sigaw na iyon ng wing commander nila.
Nag-e-echo sa pandinig niya ang boses ng Wing commander nila. Wala sa sariling naglakad siya papuntang covered court habang ang mga mata ay nakatitig kay Kuya Will. Para yatang may kung anong nakadagan sa dibdib niya dahil hindi siya makahinga. Ang sakit yata ng puso niya ngayon. Pinipilit niyang ikalma ang sarili dahil bubulalas siya ng iyak. Napahikbi siya ng makitang hinila ni Cathy ang uniform na suot ni Kuya Will palapit dito para hagkan ang huli. Tila nagkulay puti lahat ang paligid at sina Cathy at Kuya Will lang ang nakikita niya.
Para siyang nilamig sa simoy ng hangin. Naiyakap niya ang mga braso sa sarili.
Nahinto siya saglit dahil nagsisikip talaga ang dibdib niya. Ilang segundo rin ang pinalipas niya bago siya huminga ng malalim. Sa muli niyang paghakbang ay may kung anong bagay ang pumatid sa kaniya kaya na-out balance siya. Paupo siyang bumagsak sa sementadong covered court.
“Ikay!”
HINDI naman gustong bastusin ni Will si Cathy sa harapan ng barkada kaya hinayaan na lamang niya ang babae sa paglalambing nito sa kaniya. Nakita niya kaninang papasok si Ikay sa canteen, Gusto sana niya itong kausapin pero pinigilan siya ni Reed.
Tapos na sila ni Cathy, noon pa. Kaya hindi niya maintindihan kung ano pang ginagawa nito dito sa pilipinas at iniwan ang asawa at anak sa Japan. Kaya lang naman siya nakikipag-usap dito ay dahil sa inaanak ito ng kaniyang papa. At malaki ang utang na loob ng pamilya niya sa pamilya ni Cathy. Hindi rin niya ugaling mam-bastos ng babae.
Pero nag-aalala siya kay Ikay, baka kung ano isipin nito sa pinapakitang paglalambing ni Cathy. Gusto niyang batukan ang sarili. Nag-iilusyon na naman siya. Ang nakikita niyang pagseselos kay Ikay ay marahil bunga lang ng imahinasyon niya. Na gusto niyang iyon ang makita kay Ikay.
Masayang naupo si Cathy sa waiting shed na malapit sa covered court. Nagtawag na ang Wing commander, bago siya pinakawalan nito ay hinaklit nito ang damit niya at kinintalan siya ng halik sa labi.
Pagsasabihan niya sana ito ng maagaw ng mga mata niya si Ikay na na-out balance.
“Ikay!”
Natabig niya ang kamay ni Cathy sa gulat ng huli at dali-daling pinuntahan si Ikay.
“Nasaktan ka ba?” nag-aalalang tanong niya ng makalapit. Inalalayan niya ito sa pagtayo.
Nakayuko itong umiling. Nagpagpag ng palda at naglakad palayo sa kaniya.
“Ikay…May problema ba?” habol niya dito.
Umiling ito. Pinigil niya ito sa braso at iniharap sa kaniya. Malungkot ang mga mata nito at tila maiiyak.
“What’s wrong?” masuyo niyang tanong. Ayaw na ayaw niya talagang nakikita itong nalulungkot. hinaplos niya ang buhok nito. Napahikbi ito.
“Nothing.” gumaralgal ang boses nito sa ginawang pagsagot. Pinipigil ang pag-iyak. “Nadapa kasi ako at napahiya sa maraming tao, pero huwag mo na lang ako pansinin. Normal lang ito sa mga katulad ko. Ang lampa ko kasi.” pilit ang ngiti nagpahid ng luhang umalpas sa mga mata.
Natatawang kinitalan niya ito ng halik sa noo bago inakbayan. “Tara na, pila na tayo.”
Tumango si Ikay. Hindi niya maiwasang tingalain ito. Gusto niyang i-siksik ang sarili sa mga bisig nito. At yakapin ito ng buong higpit. Unti-unti ang ginawa niyang pagpapakawala ng buntong hininga.
“Ikay, let’s go?”
Tumango siya. Oo na, Inaamin na niya! Inlove na nga siya sa itinuturing niyang Kuya. Palihim niyang sinaway ang puso niya dahil tumatalon ito sa tuwa!
HINDI siya makatulog, pabiling-biling siya. Mabuti na lang hindi siya natulog ngayon sa bahay ng best niya, tiyak niya kasing kukulitin na naman siya nito. Magtatanong na naman kung ano bang nangyayari sa kaniya at hindi siya makatulog.
Ipinatong niya ang isang braso sa noo at tumitig sa cealing na may mga glow in the dark stars na nakakabit.
Si Kuya Will ang dahilan. Lihim niyang minahal noon si Kuya Will, pero pinilit niya ang sariling huwag mangibabaw iyon dahil alam niyang hindi naman siya nito magagawang mahalin dahil may girlfriend na ito. Kaya kung kani-kanino na lamang niya ibinaling ang pagtingin. At ngayon nga nabuksan na naman ang damdamin niyang iyon dahil sa pagdating ng bruhang Cathy na iyon. Hindi na nga niya nararamdaman iyon nitong si Marc na ang nagustuhan niya kung bakit naman kasing dumating pa si Cathy at napagseselos pa siya..
Pinag-iisipan rin niya kung ipagtatapat niya ba kay Kuya Will ang nararamdaman. Pero nag-aalangan siyang magtapat dahil alam niyang may masasaktan siya. Kahit may pagka-bruha si Cathy, hindi naman niya gustong saktan ito. Gulong-gulo na siya. Sinasabi ng puso niya na magtapat na siya kay Kuya Will pero kumokontra naman ang isip niya. Sinasabi na huwag niyang gagawin ang mang-agaw ng may boyfriend ng may boyfriend. Ano ba dapat ang mas sundin niya?
Nahihirapan na siya. Napatapik siya sa noo, naku Ikay! wala ka na talagang pag-asa!
“Ang mabuti mo pa sigurong gawin, kalimutan mo na ulit ang Kuya Will mo.” payo niya sa sarili. Pero nagprotesta ang magaling niyang puso. Hindi sumasang-ayon sa mga naiisip niya.
Kung susundin niya ang isip, Pahirapan na naman na makalimutan niya si Kuya Will. Kung susundin naman niya ang nararamdaman, may masasaktan naman siya. Humila siya ng unan sa tabi niya at isinubsob sa mukha niya. Gulong-gulo na talaga siya. Ganito ba talaga kapag inlove? Nakakainis!
Hindi siya nakabuo ng mabuting plano dahil laging nakakontra ang puso niya. Hindi na niya alam ang gagawin.
“Ah, bahala na nga bukas!” at mariing ipinikit ang mga mata.
0 comments: on "All I Need by Erin - Chapter 13"
Post a Comment