SHARE THIS STORY

| More

All I Need by Erin - Chapter 14

(Blue)






Kanina pa niya hinahanap si Will sa buong campus pero hindi niya ito makita.Saan kaya ito nagpunta? Isang linggo na niyang pinag-iisipan kung ipagtatapat ba niya ang nararamdaman niya para dito at ngayon nga ay nagdesisyon na rin siyang magtapat na. Baka kasi mawala rin gaya ng ginawa niyang pagtatapat kay Erin. Para na rin sa ikatatahimik niya at ng makatulog na siya ng mahimbing.

Nagpunta siya sa T.H.E. room na para sa mga boys. Sumilip at ng walang makitang tao ay pabalik na sana ng humangin. Naghawi siya ng buhok. Nakaamoy siya ng pabango, bigla siyang kinabahan. Siya lang ang tao sa bulding na iyon, Baka may multo. Nakaramdam siya ng goosebumps.

Pigil na pigil niya ang sarili na huwag tumili. Naamoy na niya kasi talaga ang pabango. Hindi siya takot sa multo. Pero ayaw naman niya makakita n’on.

“Hi Ikay.”

Muntik na siyang mapatili. Buti na lang natakpan niya ang bibig at dali-daling humarap sa nagsalita. Si Cathy, na malapad ang ngiti. At tila nakakaloko siyang tingnan. Napabuntong hininga siya.

“Ikaw lang pala. Tinakot mo ‘ko, akala ko multo eh. Ang tapang kasi ng pabango mo eh.” nakasimangot niyang sabi.

“Anong ginagawa mo dito?”

Kakaiba yata ang ngiti nito ngayon. “Hinahanap ko kasi si..si..si Kuya Will eh.” Nagmalikot na naman ang puso niya. Mabilis na nga niyang binigkas ang Kuya dahil alam niyang magpo-protesta ang puso niya, nag-react pa rin.

“Ah si William, honey? kalalabas lang niya kani-kanina lang.”

“Ano sabi mo?” Nabingi yata siya.

Mahina itong tumawa. Napansin niya na may kaartehan talaga itong tumawa. Well, talaga naman maarte ito.

“Ang sabi ko, kalalabas lang ni William, honey ko dito sa room na ‘to.”

“Ang ibig mong sabihin kayo lang dalawa dito kanina?”

“Oo. ” at binuntutan pa nito ng nakakalokong tawa.

“Anong ginawa ninyo?” inosente niyang tanong.

“You are so naive, Ikay. Ano bang ginagawa ng mag-boyfriend sa room na walang tao?”

Napaawang ang bibig niya. “You mean-”

Ngumiti lang ito pero nakuha na niya ang sagot. Naningkit ang mga mata niya. Ang liit ng tingin niya kay Cathy pero tinalikuran niya ito. Hindi niya ito feel na awayin. Meron siyang dapat na awayin, ang puso niya!

Nagmamadali siyang naglakad palayo. Narinig pa niya ang ginawang pagtawa ng malakas ni Cathy.

“Tingnan mo ang ginagawa mo sa akin. Nasasaktan ako.” kausap niya sa puso niyang biglang tumahimik.

Pupunta siya ng canteen. Kailangan niya ng fruit drinks. Mabigat ang loob niya. Hindi niya inaasahang makakasalubong niya si Will na palabas naman ng canteen.

Nagulat si Will sa sumalubong na Ikay. Galit ang mga mata nito at matalim siyang tiningnan.

“Anong nangyari? Hinahanap mo daw ako sabi ni Reed.”

“Huwag mo kong hawakan. Layuan mo na rin ako. I hate you na!” sigaw niya pumihit pabalik at nagtatakbo palayo sa canteen.

Naiwang takang-taka si Will sa ikinilos ni Ikay.

Buong gabi siyang hindi pinatulog ng bruhang Cathy na iyon. Naglalaro kasi sa isip niya ang mga pinaggagawa ng dalawa sa room na iyon. Itiniklop niya ang notebook at ipinukpok sa mesang yari sa narra. Iniisip na si Will iyon at iyon lang magagawa niya para makaganti dito. Nagulat si Erin sa ginawa niya.

“Hoy bawal mag-ingay dito ano ka ba! Library kaya ito.” saway nito.

“I don’t care.” nakanguso niyang sagot pero hininaan ang boses. Napasandal siya sa upuan. Hindi na niya kayang itago pa ang nararamdaman. nasasaktan talaga siya.

“Best, ano bang nangyayari sa’yo?”

“Inlove ako kay Will.” walang gatol niyang pag-amin.

Parang natuka ng manok ang Best niya. Nakaawang ang bibig nito at mulagat ang mga mata sa sobrang shocked!

“Baka mapasukan ng langaw iyang bibig mo. Isara mo nga.” natatawa niyang sabi. Natatawa siya sa reaction ng kaibigan.

“Serious?” wala sa sarili nitong tanong.

“Magiging luka-loka ba ako ngayon kung hindi ako seryoso?” sagot niya at nangalumbaba. “Mawawala rin siguro ito kung sasabihin ko sa kaniya.”

“Kailan mo naman plano sabihin sa kaniya?” ngiting-ngiti na nitong tanong.

“Dapat kahapon kaya lang nakasalubong ko si Cathy, nagwalk out ako at naasar dahil sa sinabi niya.”

“Ano ba sinabi niya sa’yo?”

“May ginawa daw silang dalawa ni Will sa room na iyon.” Naaasar na talaga siya!

“What?!” malakas na sabi nito.

Nakarinig sila ng “Ssh” sa librarian. Humingi si Erin ng sorry bago shocked na tumingin sa kaniya. Inilapit pa ang mukha para lang walang makarinig sa sasabihin nito. Nagpalinga-linga muna bago nagsalita ng walang makitang tao na nakatingin sa kanila.

“You mean, nag-ano sila?”

Gusto niyang tumawa sa hitsura ng Best niya. Namumula ang mga pisngi nito. Tila hiyang-hiya sa naiisip.

“Akala ko ba hindi marumi ang isip mo?”

Lalong namula ang mukha nito. Bago siya hinampas sa kamay.

“Hindi ko alam kung iyon nga. Pero sa tono ni Cathy parang ganoon na nga ang ginawa nila.” Napapikit siya sa sobrang selos. “Nahihirapan ako, Best. Ipagtapat ko na kaya sa kaniya? Ngayon na?”

“Ikaw.” sagot nito. Tumingin sa wrist watch bago..”Maaga pa naman kaya may pagkakataon ka pa.”

Tumayo siya at hinampas ang mesa ng isang kaamay. “Kaya ko ‘to!”

“Go!” natatawang sang-ayon nito. “At kapag naging kayo magtitipid na ko para makapagpa-fiesta.”

“Ihanda mo na ang wallet mo!” natatawa rin niyang sagot bago lumabas sa library.

Ah, pinagpapawisan na siya sa kakaikot sa buong Campus pero hindi niya mahanap si Will. Saan ba nagpupunta ang luko-lokong iyon? Ngayon na importante ang sasabihin niya, hindi niya ito mahagilap. Parang bagay ito na nawawala, kapag nasa harapan naman niya hindi naman niya hinahanap. naguguluhan na siya! Ganito ba nagagawa ng love sa kaniya? Nakakainis!

Tumingin siya sa Big Ben Clock ng school na nakadikit sa guard house. napatapik siya sa noo. Ikay wala kana talagang pag-asa! Para siyang lokang naghahanap sa lalaki. May klase nga pala ito ng Three-thirty.

“Ang shungak mo talaga!” kausap niya sa sarili. Hindi na siya nakapasok sa next subject dahil sa paghahanap niya dito.

Malapit ng mag-uwian. Naupo nalamang siya sa isa sa mga cemented oval bench na malapit sa exit gate ng school. Doon na lamang niya hihintayin si Will. Malapit lang naman ang room nito sa gate kaya tiyak niyang makikita niya ito agad.

Hindi niya maiwasan mapangiti, sumagi kasi sa isip niya si Will habang hawak nito ang mga kamay niya at habang pinatatahan siya sa pag-iyak. parang ang gaan ng feeling niya, parang ang saya-saya niya. Para siyang nakalutang sa hangin at ang lakas lakas ng tibok ng puso niya. Nagkukulay pink rin ang paligid niya.

Naipikit niya ang mga mata at inalala ang mga moment nilang dalawa ni Will. Napapabungisngis siya. Kinikilig siya. Nakakaloka pala talaga kapag–

Malakas na tapik sa balikat niya ang nagpamulat ng mga mata niya. Si Cathy ang namulatan niya. Nakataas ang kilay nito at nawe-weirduhan na nakatingin sa kaniya. Panira ng moment ang babaing ‘to! Sarap sabunutan!

“Are you having a daydream?”

“So what?” taas-kilay niyang sagot.

“I bet si William, honey ko ang iniisip mo.” nakataas din ang kilay nito. “May gusto ka ba sa kaniya?”

Isang malaking OO sana ang gusto niya isagot kaya lang ay hindi niya gustong ito ang unang makaalam. Nginitian lang niya ito at nagpaling ng tingin sa labas ng gate.

“Ano kayang nagustuhan sa’yo ni William, Honey? eh tindera ka lang naman sa palengke.” maarte nitong pang-aasar sa kaniya.

Naiiling siya. Walang originality ang mga lines nito. Saan kaya telenobela kontrabida ito? Hindi niya gusto makipag-usap sa isang loser na katulad nito. Hindi siya makapaniwalang girlfriend ito ni Will.

Tumayo siya at anyong iiwan ang kaharap ng hablutin nito ang buhok niya. “Aba ang taray mo ah! huwag mo kong tatalikuran ha.”

Tinabig niya ang kamay nito at inayos ang buhok sabay nakangiting bumaling dito. “Ayoko kasi makipag-usap sa’yo.”

“Aba ang palengkerang ‘to! Ano ba pinagmamalaki mo? ang pagiging tindera mo sa palengke?” galit na nitong sabi.

Anong masama sa pagiging tindera sa palengke? Sige lang, Konting tiis Ikay, paalala niya sa sarili.

Painsulto siyang tiningnan nito mula ulo hanggang paa. Napapikit siya sa sobrang pagpipigil na huwag itong patulan.

“Siguro nga kaya ka nagustuhan ni William, Honey dahil you’re good in bed. Tinalo mo siguro ang performance ko, pa-innocent look ka pa, Santa santita ka naman.”

Iyon pagkawala ng timpi niya ay siyang pag-angat ng kamay niya sa dalawang magkasunod na sampal na dumapo sa mga pisngi nito.

Shocked itong napatingin sa kaniya. Hawak ang pisngi.

“Na-shocked ba kita? Kulang pa iyan, kasi kung tinawag mo pa kong bansot, matutulog kana diyan sa semento.” aniya, ang singkit niyang mga mata ay lalo pang naningkit ngayon. Pigil na pigil niya ang sariling huwag muling sampalin ang kaharap.

Ang gagawin nitong pagsagot ay nauwi sa pag-iyak. Agad siyang nilampasan at agad na sinalubong ng yakap ang paparating na si Will.

“Cathy, what happened?” agad na tanong ni Will. Napatingin sa kaniya.

“William, kasi si Ikay, sinampal niya ako agad, wala naman akong ginagawa sa kaniya. Nakikipag-usap lang naman ako. I want her to be my friend pero sabi niya ayaw daw niya sa akin, tapos sinampal pa niya ‘ko.”

Napaawang ang bibig niya. Nuknukan pala sa pagkasinungaling ang babaing ‘to eh!

“Sinungaling!” sigaw niya at akmang hahablutin si Cathy ng iharang ni Will ang kamay nito para hindi niya masaktan si Cathy.

Nasaktan siya doon. Napakagat-labi siya. “Ku- Wi-…Hindi totoo ang sinasabi niya. Nagsisinungaling siya.”

“William, honey, totoo ang sinasabi ko. Sinampal niya ako.” at pagkatapos ay humikbi.

Tiningnan siya ni Will, hinihintay ang sagot niya. Tumango siya.

“Ginawa ko iyon kasi kung anu-ano-” napatigil siya sa pagsasalita dahil sa nakitang galit sa mga mata ni Will.

Naitakip niya ang isang kamay sa bibig, kung hindi niya gagawin iyon ay mapapahikbi siya at tuluyan siyang mapapaiyak. Tumatagos sa puso niya ang galit ni Will.

“Totoo na sinampal ko siya…” nanginginig ang boses niya sa pagpipigil na huwag bumulalas ng iyak sa harapan ng mga ito. “…Dahil hindi ko mapapayagan na insultuhin niya ‘ko. Hindi ako nagsisinungaling, iyon ang totoo.”

Pagkasabi niyon ay dali-dali na niyang tinalikuran ang dalawa at nagtatakbo palayo. Hindi na niya narinig ang pagtawag ni Will.

Binuksan na ang exit gate. Tuluy-tuloy lang siya sa paglalakad kasama ng mga estudyanteng palabas ng school. Ang bigat-bigat at ang sakit-sakit ng puso niya. Hindi niya akalain na iyon babaing iyon pa ang paniniwalaan ni Will.

Kung sabagay, girlfriend ni Will si Cathy, si Cathy ang paniniwalaan ni Will. Hilam na ang mga mata niya sa luha. Basa na rin ang panyo niya. Ayaw pa rin tumigil ang pag-iyak niya. Masakit na masakit talaga eh. Hindi niya kasi matanggap na naging sinungaling siya sa harapan ni Will.

“Ineng sasakay ka ba?” tanong ng tricycle driver sa kaniya.

Napatingin siya sa nagsalita. Nasa tapat na pala siya ng pilahan ng tricycle. Tumango siya. Nagpahid siya ulit ng mga mata bago nagsalita sa driver. “Capitol Hills po, Phase two, Ituturo ko na lang po kung saan ang street.”

Natatawang tumango ang driver. ” Broken hearted ka ba, Ineng?” hirit pa nito.

Nagtubig na naman ang mga mata niya. Naipadyak ang isang paa. “Si Manong naman eh, pang-asar pa eh.” nagagalit na sagot niya at nagpahid ulit ng mga mata bago sumakay sa loob ng tricycle.

Natatawang pinaandar na nito ang tricycle nang makaayos siya ng upo.

“William…” pigil ni Cathy sa isang kamay ni Will ng akmang susundan ng huli si Ikay.

“Pwede ba Cathy!” sigaw na niya dito. Nag-aalala siya kay Ikay, natitiyak niyang galit ito sa kaniya. Naniniwala siyang hindi gusto ni Ikay na saktan si Cathy, dahil kilala niya si Cathy. Gusto lamang niyang i-iwas si Ikay dito.

“Ano bang nagustuhan mo sa babaeng iyon ha?!” galit din nitong sigaw pero natahimik ito ng titigan ni Will. Bumuntong hininga at masuyong yumakap. “William, I’m here now. Hinihintay mo lang naman talaga ako ‘di ba? Hindi mo naman talaga mahal si Ikay ‘di ba? naiintindihan ko naman kung bakit naghanap ka ng ibang babae dahil sa ginawa ko sa’yo, pero William, Ikaw talaga ang mahal ko. Ginawa kong magpakasal kay Kenji dahil kay papa. William, please…Gagawin ko lahat mapatawad mo lang ako, mahalin mo lang ulit ako.”

“Cathy, please…Mahal ko si Ikay, at matagal na kitang pinatawad.” nagpapaunawang sabi ni Will.

“Hindi ba pwedeng mahalin mo rin ako? kahit konti lang…” nagsisimula ng magtubig ang mga mata ni Cathy. “Mahal na mahal kita, William.”

“Cathy…I’m sorry…” kinalas nito ang mga kamay niyang nakayakap at hinawakan ang magkabila niyang pisngi. “Mahal ko si Ikay at siya lang ang gusto kong makasama habang nabubuhay ako.” nasa mga mata ni William ang sinseridad sa sinabi na nagpalandas sa mga luha ni Cathy. Napakasakit para dito na marinig iyon. “I wish you happiness, Cathy, bumalik kana sa asawa at anak mo. I’m sure, they are waiting for you.”

Marahang tango ang ginawa ni Cathy. Ngumiti ng pilit. Kahit ano pa siguro ang gawin niya ay hindi na siya muli pang mamahalin ni Will. Huli na ang lahat. Wala na siyang babalikan.

“Sige na, puntahan mo na siya. Ihingi mo rin ako ng sorry sa kaniya.”

Nakangiting pinakawalan ni Will ang pinipigil na paghinga at masuyong hinalikan ang pisngi niya bago…”Thank you, Cathy.”
Digg Google Bookmarks reddit Mixx StumbleUpon Technorati Yahoo! Buzz DesignFloat Delicious BlinkList Furl

0 comments: on "All I Need by Erin - Chapter 14"

Post a Comment